Edd Reyes

Intramuros Forest Park maraming sumasang-ayon

Edd Reyes Feb 25, 2026
157 Views

NANG isumite ni Manila Mayor Isko Moreno ang disenyo sa planong gawing Intramuros Forest Park ang Intramuros Golf Course, may ilang mga hindi sumang-ayon at nagpasaring pa na uutang na naman daw para pondohan ang proyekto..

Alam naman natin kung sino ang mga posibleng hindi sang-ayon sa magandang proyekto ni Yorme para sa Manilenyo at yun ay ang mga posibleng maapketuhan tulad ng mga caddies, cart staff, umbrella girls, maintenance staff, at siyempre mga golfer.

Pero kung tutuusin, iilan lamang ang mga hindi sumasang-ayon kumpara sa maraming Manilenyo na natuwa at na-excite sa proyekto ng alkalde dahil kapag nagtagumpay ito, makakapasok na, kahit ang mga ordinaryong taga-lungsod sa loob ng Intramuros Golf Course na nasa loob ng makasaysayang Walled City ng Intramuros sa Maynila.

Sa totoo lang kasi, hanggang sa pamasid-masid na lang ang mga taga-Maynila sa Intramuros Golf Course kapag nadaraan sila rito dahil mula sa labas, masisilip lamang ang loob nito pero hindi ka makakapasok maliban siguro kung may kasama kang miyembro ng club na regular na naglalaro ng golf sa loob.

Ibig sabihin, tanging mga piling indibiduwal lamang na may kakayahang gumastos sa larong golf na tinaguriang hampas sa lupa at wala kahit katiting na karapatan ang mga tunay na hampas-lupa.

Ako nga lang, sa loob ng napakaraming taon na halos araw-araw ay dumadaan sa paligid ng Walled City, kahit minsan ay hindi ko pa nasilayan ang kabuuan ng loob ng Intramuros Golf Course gayung tawiran lang ito mula sa aming tanggapan sa Port Area.

Pero yung mga hindi talaga mga naninirahan sa Maynila, yung mga may kaya sa buhay, sila pa ang tila pinagpala na galugarin ang loob ng Intramuros para lang mag-golf habang mamata-mata lang mula sa labas ang mga Manilenyo.

Sana, aprobahan ni Pangulong Bongbong Marcos ang magandang proyekto ni Yorme para naman magkaroon ng pagkakataong makapamasyal sa loob nito ang mga Manilenyo, kahit pa yung mga kabilang sa hampas-lupa.

Police Regional Office (PRO) 3, may bago ng Director

NAIS nga pala nating batiin ang bagong talagang Police Regional Office (PRO)-3 Acting Regional Director P/BGen. Jess Bagsic Mendez na pumalit kay P/BGen. Rogelio Ponce Peñones na natalaga bilang acting director ng PNP Directorate for Operations sa Camp Crame.

Siguradong laglag ang balikat nina alyas “Jaymar”, alyas “Diego”, alyas “Noel” at alyas “Prak” sa pag-upo ng bagong Director dahil tiyak na malaki ang mawawalang delihensiya nila mula sa pinoprotektahang operators ng mga ilegal na sugal na gamit bilang front ang mga peryahan.

Tila kabute kasing namutiktik sa dami ang mga pergalan sa mga bayan ng San Rafael, Marilao, Sta Maria, at San Jose Del Monte sa Bulacan, Munisipalidad ng Guimba, Sta Rosa, San Leonardo, Cuyapo, at San Jose sa Nueva Ecija, maging sa San Fernando at Bacolor sa Pampanga at Paniqui, Moncada, at Gerona sa Tarlac.

Kakaba-kaba ngayon ang mga malalaking operator na gumagamit ng mga alyas na “Egay”,”Manny”, “Lanie”, “Baby”, Mariel” “Daisy”, “Niknok” at “Peter” dahil malamang na maipasara na rin ang kanilang ilegal numbers game ngayong bago na ang Director ng Region 3.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com