Calendar
Kabataan nag-rambol sa QC, Grade 11 student tigok sa saksak
PATAY ang isang 16-anyos na Grade 11 student matapos umanong pagsasaksakin ng kapwa binatilyo sa gitna ng suntukan ng dalawang grupo sa Barangay Pasong Putik Proper, Quezon City nitong Huwebes ng gabi.
Arestado naman ang isang 18-anyos na Grade 12 student na kabilang umano sa grupo ng mga suspek, habang patuloy na pinaghahanap ng pulisya ang sinasabing sumaksak sa biktima at dalawa pa nitong kasama.
Batay sa imbestigasyon ng Pasong Putik Police Station (PS-16), dakong alas-6 ng gabi nang magtungo ang biktima kasama ang ilang kaklase sa isang billiards hall para magpalipas ng oras.
Habang nasa ikalawang palapag, bigla umanong dumating ang dalawang lalaki at hinamon sila ng suntukan.
Nauwi sa rambol ang pagtatalo nang bumaba ang magkabilang grupo at nagsuntukan.
Sa kalagitnaan ng gulo, bumunot umano ng patalim ang isa sa mga suspek at ilang ulit na sinaksak ang biktima bago tumakas kasama ang mga kasamahan.
Nagtamo umano ang biktima ng mga saksak sa kaliwang dibdib at kaliwang puwitan.
Agad siyang isinugod ng mga kaklase sa Commonwealth Hospital ngunit idineklara siyang dead on arrival.
Samantala, nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng PS-16 na nagresulta sa pagkakaaresto sa 18-anyos na suspek dakong alas-3 ng madaling-araw, Agosto 14, sa kaniyang bahay sa isang subdivision sa Barangay Greater Lagro.
Sa custodial investigation, itinuro umano ng naarestong suspek ang sinasabing sumaksak sa biktima.
Patuloy naman ang manhunt operation laban sa iba pang suspek.
