Bill

Kamara inaral, di binagalan, pagpapatibay sa wage hike bill — Acidre

290 Views

ITINANGGI ni Tingog party-list Rep. Jude Acidre ang alegasyong binagalan o pinatagal ng Kamara de Representantes ang pagpapatibay sa panukalang legislated wage hike.

Ayon kay Acidre, binigyan ng Kamara ng sapat na pag-aaral ang panukala upang masiguro na ito ay maipatutupad ng maayos at marinig ang panig ng mga manggagawa at mga maaapektuhang negosyo.

“It would be very unfair to say na tinagalan ng House. Kung makikita niyo ang version po natin sa legislative wage hike, kung saan isa tayo sa mga pangunahing may-akda, nagpapakita ito ng stronger commitment ng mga miyembro ng House na posible ang P200 legislative wage increase,” sabi ni Acidre sa isang pulong balitaan.

Ang bersyon ng Kamara na inaprubahan ng katatapos lang na 19thc Congress ay nagsusulong ng P200 across-the-board wage hike para sa lahat ng manggagawa sa buong bansa habang P100 umento naman ang ipinasa ng Senado.

Ayon sa ilang senador, sa huling bahagi na kasi ng Kongreso lamang kumilos ang Kamara, na pinabulaanan ni Acidre.

Aniya ang panukala ay resulta ng masusing pagsasaliksik at deliberasyon.

“In the end, tayo pa nga ang nag-justify ng mas mataas na legislative wage hike, which only justifies the perceived delay and the longer time required for us to arrive at a decision that was carefully studied,” ipinunto ni Acidre.

Ayon kay Acidre, umaksyon ang Kamara na may pag-iingat at hindi para mabalam lalo na at kailangan aniya makabuo ng pagkakausa o mapagkasunduan ang isang kritikal na na repormang pang-ekonimiya.

“So in the 20th Congress, I expect the same amount of diligence. May mga bagay na pwedeng madaliin. Pero may mga panukala na kailangang pag-isipang mabuti at kailangang buuin ang consensus,” paliwanag niya.

Tiniyak din niya na kapwa kasama sa pangunahing agenda ng Kamara ang panawalan para sa pag-buwag sa Oil Deregulation Law gaya ng panukalang umento sa sahod.

“Sa usapin ng legislated wage hike, sa usapin ng oil deregulation, nandoon pa rin ang pangangailangan nating magkaroon ng consensus,” saad niya. “But it does not mean na sa kagustuhan natin ng consensus, we will not give our best to ensure its passage.”

Tiwala naman si Acidre na dahil sa may sapat nang pagsasaliksik at konsultasyon noong nakaraang Kongreso ay mas maganda ang tyansa na mabilis uusad at agad maipapasa ang panukala ngayong bagong Kongreso.

“At least ngayon, a significant part of the work, the research, the debates, have already been made in the 19th Congress. So we expect also that this time around, we will be able to push for these bills more efficiently,” sabi pa niya.