Edd Reyes

Kampanya vs maingay na tambutso ng motorsiklo ningas kugon lang?

Edd Reyes Jul 1, 2026
24 Views

ANYARE sa kampanya ng pulisya laban sa maiingay na tambutso ng motorsiklo at tricycle sa Maynila?

Ningas kugon lang ba ang kampanya dahil ratsada na naman sila ngayon sa mga kalsada, lalu na sa maluluwag na lansangan na kahit dis-oras ng gabi ay tila nagkakarera pa?

Nang iutos kasi ni Yorme Isko ang pagbabawal sa maiingay na tambutso nang umupo siya sa puwesto noong nakaraang taon, kumilos agad ang pulisya at nakakumpiska kaagad ng 18 maiingay na tambutso sa mga riders na natiketen din sa paglabag sa Ordinansa.

Sinabi pa ng alkalde na walang pakiusap na mangyayari sa mga mahuhuli dahil nakakaistorbo sila sa mga residenteng nagpapahinga, sa mga estudyanteng nag-aaral, at sa mga nagtatrabaho.

Pero bakit ngayon, wala na tayong naririnig o nababalitaang may natiketan ang mga pulis o natanggalan ng maiingay na tambutso?

Ito siguro ang dahilan kaya nagpasa ulit ng Ordinansa si 1st District Councilor Roaslino “Jhun” Ibay ang Konseho ng Maynila na magpapa-igting sa kampanya ng pulisya at magpapataw ng malaking multa laban sa miingay na tambutso.

Dagdag na silid-aralan at mga covered court, pinasinayahan sa Navotas

DALAWA na naman palang bagong gusali ng paaralan at tatlong pinaayos na covered court ang magkakasabay na pinasinayahan ni Mayor John Rey Tiangco bilang bahagi ng ika-19 na pagdiriwang ng anibersaryo ng Lungsod ng Navotas.

Kabilang sa mga pinasinayahan ang apat na palapag na 12-classroom building ng Tangos Elementary School 1 at apat na palapag na walong classroom building ng Tanza Elementary School na tugon sa kakulangan ng silid-aralan sa lungsod.

Pinasinayahan din ng alkalde ang bagong kumpuning Pantay-Pantay Covered Court at S. Roldan Covered Court sa Brgy. Tangos South, pati na ang Kapalaran Covered Court in Brgy. San Roque na magsisilbing pasilidad para sa pagdaraos ng palakasan, pagtitipon ng komunidad, at iba pang aktibidad.

Sinabi ni Mayor Tiangco na ttugon ito sa kanilang dedikasyon na magbigay ng puhunan sa larangan ng edukasyon at magkaloob ng ligtas at magagamit na pasilidad para sa pagsasagawa ng mga akbitidad ng kanilang mamamayan.

177 na estudyante at guro, tumanggap ng tulong-pinansiyal sa pag-aaral

PINAGKALOOBAN ng scholarship ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang 23 Academic scholars, 144 na Athletic scholars, at 10 sa Ulirang Pamilyang Mangingisda Scholarship para sa school year 2026-2027

Sa ilalim ng nilagdaang kasunduan ni Mayor John Rey Tiangco at mga bagong scholars. tatanggap ng P18,000 ang mga high school scholars habang ang mga scholars sa Navotas Polytechnic College ay may P22,000 para sa kanilang matrikula, aklat, transportasyon, at food allowance.

Makakatanggap naman ang mga scholar na guro ng P75,000 kada academic year para sa kanilang matrikula, libro, transportasyon, pagkain, at gastos sa pagre-research.

Ang mga Athletic scholars at Ulirang Pamilyang Mangingisda scholars ay pagkakalooban ng P16,500 para sa transportasyon at food allowance at P1,500 para sa kanilang uniporme, aklat, at mga kinakailangang gamit.

Sinabi ni Mayor Tiangco na patuloy nilang sinusuportahan ang mga mag-aaral at guro na patuloy na nagsisikap at nagpupunyagi upang makatapos sa kanilang pag-aaral dahil ang edukasyon aniya ay nagbubukas ng walang hanggang oportunidad sa kanilang magandang kinabukasan.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com