Calendar
Taumbayan naghihintay ng kasagutan sa impeachment trial ni VP Sara
MALIGAYANG araw sa ating mga tagasubaybay, lalo na sa mga kababayan natin sa Japan.
Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.
Binabati natin sina Ma. Theresa Yasuki, Mama, Glenn Raganas, Patricia Coronel, La Dy Pinky, Endo Yumi, Roana San Jose, Winger dela Cruz, Yoshiko Katsumata, Josie Gelo, Hiroki Hayashi, at Hiroshi Katsumata.
Ganun din kina Joann de Guzman at mga kasama niya sa Oman; Nida Reyes, Dolores Monfero at Delia Sunga ng Saudi Arabia.
God bless sa inyong lahat!
***
Kamakailan ay pinarangalan si Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel F. Nepomuceno bilang “One of the Distinguished Awardees” sa ginanap na “Third International Tobacco Summit.”
Ang recognition day ay ginawa ng National Tobacco Administration (NTA) sa Pasig City noong Hunyo 18.
Ito ay pagkilala kay Nepomuceno sa kanyang patuloy na paglaban sa ismagling ng sigarilyo at produktong tabako.
Matatandaan na may standing order si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Bureau of Customs (BOC) na patigilin ang perhuwisyong “illicit tobacco trade.”
Ayon kay Commissioner Ariel, “the recognition inspires us to continue redefining Customs as a modern, credible and responsive institution.”
“BOC protects our borders, supports legitimate business and delivers meaningful service to the people.”
Sa nakaraang limang buwan ay nagsagawa ang mga tauhan ng BOC ng 187 enforcement operations sa iba’t ibang parte ng bansa.
Ang mga operasyon ay nagresulta sa pagkumpiska ng mga puslit na sigarilyo at produktong tabako.
Ito ay nagkakahalaga ng mahigit na P13.5 bilyon, ayon sa BOC records.
Sa tingin ng waterfront observers, deserving naman si Nepomuceno sa parangal na iginawad ng NTA.
Inaasahan nga nilang lolobo pa ang halaga ng mga puslit na sigarilyo at produktong tabako na mahuhuli.
Lalo pa kasing pinaigting ng BOC ang kampanya laban sa cigarette smuggling.
Hindi madali ang kampanyang ito dahil sa dami ng mga islang puwedeng pagdaungan ng mga sasakyang pandagat na may lulang mga kontrabando.
Pero ang mga partner-agencies ng BOC ay all-out ang tulong para labanan ang ismagling.
***
Nagsimula na nga ang tag-ulan sa bansa.
Ang maganda lang sa mga binabahang lugar, kasama na ang Metro Manila (MM), ay nandiyan ang inaasahang “severe El Nino.”
Ang ibig sabihin nito ay mas dadalang ang pag-ulan-ulan sa maraming parte ng bansa.
Ang problema nga lang ay magkakaroon din ng mga paminsan-minsang matitinding pag-ulan.
Kaya nga dapat ay linisin ang mga daluyan ng tubig-baha, kasama na ang drainage canal at mga estero.
Ito ay para hindi bumara ang mga itinatapong basura sa mga daanan ng tubig.
Ang mahirap kasi sa ating mga kababayan ay kung saan-saan itinatapon ang kanilang mga basura.
Pati mga plastic na basura ay basta nalang ihinahagis sa mga ilog, sapa, drainage canal at iba pang daluyang ng tubig.
***
Sa isang Lunes, Hulyo 6, ay magsisimula na ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.
Sana tuloy-tuloy na ang proseso para matapos na ang problemang ito na nagiging sanhi ng pagkawatak-tatak natin.
Dapat idepensa na lang ni VP Sara ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagharap sa mga senador.
Kung wala siyang kasalanan, wala siyang dapat katakutan.
Pero kung talaga namang nagkasala siya ay tanggapin niya ang hatol ng senator-judges.
Sa totoo lang, hindi niya puwedeng iwasan ang impeachment trial dahil naghihintay ng kasagutan ang taumbayan!
(Para sa pagbati at opinyon, mag-text sa #09178624484 email:philipreyes08@yahoo.com.)
