Adiong House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong

KARAGDAGANG YAMAN NI VP SARA POSIBLE

69 Views

Maaaring patunayan ng dollar account ng VP — prosekusyon

ANG umano’y pagkakaroon ng mga dollar-denominated bank account ni Vice President Sara Z. Duterte ay nagbubukas ng posibilidad na mayroon pa siyang karagdagang mga pinansyal na ari-arian bukod sa mga nasuri na sa kasong may kaugnayan sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman na nagkakahalaga ng ₱817.87 milyon, ayon sa House prosecution panel sa nagpapatuloy na paglilitis sa impeachment laban sa Bise Presidente.

Itinuro ni House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na hindi kabilang ang mga foreign currency account sa mga rekord pinansyal na naging batayan ng natitirang kasong impeachment.

“At iyong mga dollar account ang nagpapatunay na mayroon pang mga posibleng ari-arian o yaman na hindi pa naideklara o hindi naisama sa reklamo sa ilalim ng Article II tungkol sa unexplained wealth,” ayon kay Alonto Adiong.

Nauna nang ipinaalam ng Bank of the Philippine Islands (BPI) sa Senate impeachment court na may mga dollar-denominated account si Duterte, bagama’t hindi nakuha sa pamamagitan ng mga subpoena na sumasaklaw sa kanyang mga peso account ang aktuwal na balanse at mga transaksiyon ng mga ito.

“Partikular po iyong naging tugon ng BPI kung saan inamin at kinumpirma nito na mayroon pong mga dollar account,” ani Alonto Adiong.

Kinilala ng tagapagsalita ng prosecution na hindi kabilang sa mga ebidensiyang orihinal na iniharap sa ilalim ng Article II ang mga dollar account. Nakatuon ang naturang artikulo sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman, hindi wastong deklarasyon ng mga ari-arian at mga ipinagbabawal na interes sa negosyo.

“Bagama’t, upang maging patas, hindi naman talaga naisama sa mga reklamong ito ang mga dollar account,” paglilinaw niya.

Itinatakda ng Republic Act No. 6426 ang mahigpit na proteksiyon sa pagiging kompidensiyal ng mga deposito sa dayuhang salapi, hindi tulad ng hiwalay na batas na nagtatakda ng pagiging lihim ng mga deposito sa piso, ang Republic Act No. 1405, na tahasang kumikilala sa isang eksepsiyon para sa mga kasong impeachment.

“Ang aming obserbasyon ay hindi lamang iyon ang posibleng ari-arian ng Bise Presidente; mayroon pang posibilidad na may iba pa,” paliwanag ni Alonto Adiong.

Nauna nang binawi ng depensa ang planong pagtestigo ni BPI Senior Vice President Paul Roderick Ysmael, kaya hindi siya nagkaroon ng pagkakataong tanungin ng mga tagausig tungkol sa mga foreign currency account na tinukoy sa liham ng bangko sa impeachment court.

“Sa palagay po namin, kaya binawi ang mga bank executive bilang mga saksi ay dahil magkakaroon ng pagkakataon ang prosecution na magsagawa ng cross-examination,” ani Alonto Adiong.

“Kung iyon po ang magiging mahalagang bahagi ng isa sa mga dokumentong na-subpoena at isa sa mga ebidensiyang maaaring ipakita, halimbawa, ng depensa, magkakaroon po ng pagkakataon ang prosecution na magsagawa ng cross-examination sa saksi,” dagdag niya.

Ipinahiwatig ng mambabatas na maaaring nais ng depensa na maiwasan ang mas malalim na pagsusuri sa mga naturang account, bagama’t hindi pa napatutunayan ng prosecution na ito ang tunay na dahilan ng pagbawi sa mga opisyal ng bangko bilang mga saksi.

“Mukhang iyon ang ayaw nilang mangyari at iyon ang nakita nilang butas na maaaring magpalaki pa sa isyu ng hindi maipaliwanag na yaman ni Vice President Sara Duterte,” aniya.