Hontiveros

Sobrang binayad sa gasolina ibalik sa motorista — Sen. Risa

80 Views

NANAWAGAN si Senadora Risa Hontiveros na ibalik sa mga motorista ang sobrang ibinayad nila sa mga gasolinahang hindi nagpatupad ng tamang bawas-presyo sa petrolyo.

Sa deliberasyon ng Senado sa panukalang 2027 budget ng Department of Energy (DOE), hiniling ni Hontiveros na gumawa ang ahensya ng paraan upang mabawi ng mga motorista ang sobrang singil.

“Yan ang nireklamo na mga motorista, pag price increase, ang bilis taasan, pero pag price decrease ang bagal,” ani Hontiveros. “So, in effect napupwersang magbayad ng overpriced rates kada litro ang consumers. Kailangang mabawi ng mga motorista ang sobrang siningil sa kanila.”

Iminungkahi niyang kung hindi maaaring direktang ibalik ang pera, puwedeng ibawas ang sobrang naibayad sa susunod na pagpapakarga sa parehong gasolinahan, basta may naitabing resibo ang motorista.

“Mayroon din bang pinag-aaralan ng DOE na paraan na kung hindi direct siyang i-refund, pag natabi nung customer yung resibo nila, pagbalik doon sa gasolinahan kung saan sobra pala ang binayad nila noon, may paraan ba na ma-offset yung susunod na babayaran nila?,” tanong niya.

Sa pamamagitan ni Senadora Pia Cayetano, na sponsor ng budget ng DOE, ipinaalam ng ahensya na pinag-aaralan pa nito kung paano maaaring mabigyan ng refund o kompensasyon ang mga apektadong motorista.

Ayon sa DOE, 259 gasolinahan na ang pinadalhan nito ng show-cause order o kautusang magpaliwanag kaugnay ng hindi pagsunod sa itinakdang pagbabago sa presyo ng petrolyo.

Maaari umanong suspindihin o bawiin ang certificate of compliance ng mga mapatutunayang lumabag. Ang mga lokal na pamahalaan naman umano ang magpapasya kung ipasasara ang mga gasolinahan.

Sinabi rin ng DOE na magpapatuloy ang pagbabantay nito sa presyo kahit walang dagdag na pondo. Katuwang nito ang Department of the Interior and Local Government (DILG), mga lokal na pamahalaan at Philippine National Police.

Ayon sa tanggapan ni Hontiveros, umabot sa ₱21.30 kada litro ang kabuuang bawas sa gasolina, ₱10.50 sa diesel at ₱11.10 sa kerosene sa tatlong magkakasunod na linggo ng pagbaba ng presyo simula Nobyembre 10.

“Ngayon din mismo may big-time na rollback sa presyo ng petrolyo. Paano titiyakin ng department na tama yung presyo sa gas stations nationwide?” tanong ng senadora.

Sa inspeksyon ng DOE sa 213 gasolinahan mula Nobyembre 10 hanggang 13, 114 ang iniulat na hindi lubos na nagpatupad ng bawas-presyo.

Iginiit ni Hontiveros na hindi sapat ang pagwawasto sa presyo matapos ang inspeksyon dahil may mga motorista nang nakapagbayad ng sobra.

“May mga motoristang nakabili na at nagbayad ng sobra. Dapat maibalik sa kanila ang sobrang singil sa lalong madaling panahon lalo na ngayong papalapit ang Pasko,” aniya.