Posas

Kasambahay bagsak sa selda, P98K pinitik mula sa lola

Edd Reyes Aug 24, 2026
140 Views

HIMAS-REHAS ang 22-anyos na kasambahay nang mabisto ang pagnenok niya sa malaking halaga ng salapi sa loob ng bag ng 82-anyos na lola Linggo ng gabi sa Paranaque City.

Natuklasan lamang ng biktima ang pagkawala ng P98,850 na nakalagay sa dalawang envelope nang buksan niya ang kanyang bag upang bayaran ang halaga ng nakain nila sa isang restaurant sa Brgy. BF Homes.

Humingi ng tulong ang pamilya ng biktima sa Paranaque police station na kaagad sinilip ang kuha ng CCTV ng restaurant at dito nakita ang ginawang pagbubukas ng suspek sa bag ng lola at pagkuha sa dalawang envelope na may lamang salapi habang inaalalayan ng mga kaanak ang biktima pababa ng sasakyan.

Nabawi naman ng pulisya ang P86,850 na salapi na nakita sa ilalim ng salansan ng plywood sa labas ng restaurant habang hindi pa mabatid kung nasaan ang nawawala pang P12,000.

Pinuri naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge P/BGen. Christopher Abrahano ang mabilis na pagtugon ng pulisya sa insidente at binigyang-diin ang kahalahagan na mabilis na paguulat, paghahanap ng ebidensiya, at agarang pagresponde sa paglutas sa krimen.

Mahaharap ang kasambahay sa kasong qualified theft sa piskalya ng Paranaque City.