Calendar
Suspek sa pamamaril, murder laglag sa buy-bust sa Maynila


NAARESTO na ng mga operatiba ng MPD Baseco Police Station 13 ang 32-anyos na lalaki na suspek sa pamamaril at pagpatay sa Block 1, Dubai, Baseco compound, Port Area, Maynila noong Lunes.
Nakilala ang suspek na si alyas Denden na kinilala rin bilang isang High-Value Individual (HVI) na may kaugnayan sa mga ilegal na aktibidad sa droga.
Ayon sa report mula kay Police Lieutenant Colonel Rommel Anicete hepe ng MPD Baseco Police, bandang alas-10:10 ng umaga ng ikasa ang buy-bust ng mga operatiba ng pulis kung saan humigit-kumulang 15 gramo ng shabu ang nakumpiska mula sa suspek.
Ang operasyon, na pinangunahan ni PLt. Mark Jason Ramos, nagresulta sa pag-aresto sa suspek na kilala rin bilang Din.
Nakumpiska ng mga pulis ang shabu na 15 gramo at tinatayang nasa P102,000.
Ang mga nakumpiskang pinaghihinalaang ilegal na droga ay isasailalim sa pagsusuri sa laboratoryo.
Napansin ng mga awtoridad ang iba pang mga insidente at kaso ng suspek tulad ng pagdadala ng baril na walang kaukulang papeles.
Tinukoy din bilang suspek sa pamamaril ang nahuli noong Hunyo 27, 2026, na nagresulta sa pagkamatay nh biktima.
Noong Agosto 11, 2026, nagsagawa rin ang mga tauhan ng Baseco Police Station ng operasyon sa isang lugar na nauugnay sa suspek.
Bagaman wala roon ang taong pinatutungkulan ng warrant habang isinasagawa ito, nakarekober ang pulisya ng 1 cal. 38.
Ipinapakita rin sa mga rekord ng pulisya ang mga naunang pag-aresto sa suspek kaugnay ng mga umano’y paglabag sa R.A. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 noong 2023 at 2024.
Inihahanda na ang mga reklamo sa suspek para sa mga umano’y paglabag sa RA 9165.
Sinabi ni PLt. Col. Anicete na patuloy nilang isasagawa ang mga operasyong na naaayon sa batas.

