Calendar
Binata naglimas ng baha sa silong ng bahay, nakitang bangkay
NAGSISIMULA ng maagnas ang bangkay ng 45-anyos na binata nang madiskubre ang kanyang bangkay na bahagyang nakalubog sa baha sa silong ng isang bahay Lunes ng gabi sa Malabon City.
Natuklasan lang ang bangkay ni alyas Raffy alas-7:30 ng gabi nang makalanghap na ng masangsang na amoy si alyas Merryann, 40, na nagmumula sa silong ng kanilang bahay sa Phase 4, Flovihomes, Brgy. Tonsuya kung saan niya nadiskubre ang labi ng biktima.
Sa ulat ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nakausap pa ng ina ni alyas Merryann ang biktima noong Sabado ng tanghali at ipinakiusap na limasin ang baha sa silong ng kanilang bahay.
Araw ng Linggo nang puntahan ng ina sa kanilang bahay ang biktima upang ulitin ang pakiusap na limasin ang baha sa kanila sa pag-aakalang hindi tumalima ang binata subalit wala ito sa kanilang tirahan at hindi rin mahanap ng 70-anyos niyang ina.
Sa ginawa namang pagpo-proseso sa bangkay ni Gulane nina P/Maj. Sonny Boy Tepace ng NPD-Scene of the Crime Operative (SOCO), wala silang nakitang palatandaan na biktima ng karahasan ang nasawi bagama’t hihintayin pa nila ang resulta ng isasagawang awtopsiya sa bangkay upang alamin ang sanhi ng kanyang kamatayan.

