NSCR

Train set para sa NSCR nasa ‘Pinas na

Jun I Legaspi Aug 25, 2026
145 Views

DUMATING na sa Pilipinas ang ikatlong 8-car Electric Multiple Unit train set para sa North-South Commuter Railway (NSCR) na sumasailalim sa importation process ng Bureau of Customs (BOC) at nakatakda nang dalhin sa Malanday depot sa Valenzuela City.

Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, on track ang konstruksyon ng NSCR na inaasahang mapapabilis ang biyahe ng mga komyuter.

“Ang utos ng Pangulo, pabilisin ang konstruksyon ng NSCR, and with this development, maide-deliver natin ang proyekto on time,” pahayag ni Sec. Lopez.

Ang bagong dating na trainset ay binili mula sa Japan Transport Engineering Company at Sumitomo Corp. na bahagi ng Contract Package 03: Rolling Stock (CP03).

Darating sa bansa ang isa pang trainset para sa NSCR sa October 2026. Target ng Department of Transportation (DOTr) na masimulan ang partial operations ng NSCR sa rutang Valenzuela-Malolos, Bulacan sa 4th quarter ng 2027.

Iniutos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bilisan ang konstruksyon ng proyekto upang magamit na ng mga komyuter ang linya ng NSCR mula Valenzuela hanggang Clark, Pampanga bago matapos ang kanyang termino.

Ang 147-kilometrong NSCR system ay mayroong 35 istasyon at magdurugtong sa Central Luzon, Metro Manila, at Calabarzon.

Oras na maging operational ang kabuuan ng NSCR, tinatayang 800,000 na komyuter ang maseserbisyuhan kada araw.

Mapapaikli rin ng proyekto ang oras ng biyahe mula Clark, Pampanga hanggang Calamba, Laguna sa dalawang oras mula sa kasalukuyang apat na oras.