Boga

Lalaki buking na nagnenenok ng kable, tiklo

Edd Reyes Aug 25, 2026
130 Views

HULI sa aktong binabaklas ng isang suspek na kawatan ang mga kable ng air-conditioning unit noong Martes sa Pasay City.

Alas-3:30 ng madaling araw ng matanggap ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco ang tawag ng isang concerned citizen hinggil sa pagnanakaw ng suspek sa mga kable ng air-condition sa establisimiento sa Sta. Monica St., Brgy. 10 kaya’t nirespondehan ang report.

Nang mapansin ng suspek ang paparating na mga pulis, binitawan kaagad ang hinihilang kable at kumaripas ng takbo subalit nasukol makaraan ang maikling habulan.

Matapos masakote, kinapkapan ng mga operatiba ng Pasay Police Sub-Station-1 ang suspek at nakuha sa kanya ang cal .38 revolver na may apat na bala.

Hindi na nagsampa ng kaso ang may-ari ng establisimiento dahil bigo naman nitong matangay ang mga kable bagama’t mahaharap pa rin siya sa kasong paglabag sa R.A 10591 (Comprehensive Firearms ang Ammunition Regulation Act) sa Pasay City Prosecutor’s Office.