Boga

Kelot nag-display na boga, nabokya

Edd Reyes Oct 26, 2025
291 Views

INARESTO ng mga pulis ang 57-anyos na vendor nang i-display pa ang puluhan ng baril na nakasukbit sa kanyang bewang noong Sabado sa Malabon City.

Todo-porma ang suspek na si alyas Boying habang naglalakad sa Damata, Block 4, Brgy. Tonsuya dakong alas-8:30 ng gabi.

Ayon sa report, nakalantad ang puluhan ng baril sa bewang ng suspek na nakatawag ng pansin sa mga naka-sibilyang tauhan ng District Special Operations Unit ng Northern Police District (DSOU-NPD) na may isisilbi sanang warrant of arrest sa naturang lugar.

Nang sitahin ng mga pulis si alyas Boying at tanungin kung may lisensya at permit to carry ang dala niyang baril, walang mai-prisinta kahit anong dokumento ang suspek kaya dinakip at kinumpiska sa kanya ang cal .38 Smith & Wesson revolver na may tatlong bala.

Dinala ng mga pulis ang baril sa NPD Crime Laboratory upang isailalim sa ballistic examination para matukoy kung nagamit ito sa krimen, habang sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang suspek.