Biktima Sinisiyasat ng mga imbestigador ang biktima na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital matapos matagpuang nakabigti sa Baseco, Port Area, Manila.

Kelot nasagip mula sa pagkabigti malubha

Jon-jon Reyes Sep 8, 2025
223 Views

MALUBHA ang lagay ng 32-anyos na lalaki na nakalas sa pagkakabigti sa Block 1, Row-8 Habitat, Baseco compound sa Brgy. 649, Port Area, Manila noong Lunes.

Nakalas sa pagkakabigti si alyas Robert, ayon kay Police Lieutenant Colonel Rommel Anicete, hepe ng Manila Police District-Baseco Police Station 13, bandang alas-2:25 ng madaling araw.

Nakatanggap ng tawag si PSSg Al Balagat mula kay Melody Evangelista ng Gat Andres Bonifacio Memorial Hospital tungkol sa tangkang magpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti ng isang lalaki.

Ayon sa Duty Investigator na si Pat. Rosales Fernandez Jr., sinabi ng kapatid ng biktima na si alyas Jenny na may planong magpakamatay dahil sa problema sa pamilya si alyas Robert.

Sa kasamaang palad, pagdating sa tirahan ng biktima, natuklasan niyang nagbigti na ang biktima gamit ang isang silk scarf kaya isinugod ang huli sa Gat Andres Bonifacio Memorial Hospital.

Kasalukuyang inoobserbahan ang biktima dahil sa tinamong sugat sa leeg.