Garcia Nagbigay ng pahayag si PMajor Dave Garcia kaugnay sa insdente. JONJON C. REYES

Kelot pinaslang sa harap ng pamilya; 2-anyos na anak sugatan

Jon-jon Reyes Jul 28, 2026
18 Views

HINDI na umabot sa pagamutan ang isang 31-anyos na lalaki na pinagbabaril sa harap ng kanyang mag-iina kung saan sugatan din ang kanyang dawalang taong gulang na anak sa loob ng kanilang tahan sa Binondo, Maynila

Ang insidente ay naganap madaling araw ng Sabado sa kahabaan ng sa Bgy. 275 sa San Miguel St., Binondo.

Ayon sa report ni Police Major Dave Garcia, hepe ng MPD Homicide Section, bandang 4:03 ng madaling araw nang barilin ang biktima na kinilalang si alyas Aldrin, 31, may kinakasama at residente ng nasabing lugar.

Batay sa paunang imbestigasyon, ang biktima at ang kanyang kinakasama na si alyas Rachelle ay patulog na nang mangyari ang pamamaril.

Ang suspek na kinilala na si alyas Ulo, na nakasuot ng gray na jacket na may hood, ay lumapit at binaril ng ilang beses ang biktima sa mukha at iba’t ibang parte ng katawan.

Nadaplisan din ng bala ang bunsong anak na babae ng biktima na dalawang taong gulang. Nasa mabuting kalagayan na ito.

Ang gunman ay tumakbo patungo sa Muella Dela Industria dala ang ginamit na baril. Ang kasama niyang suspek na kinilalang si alyas Ryan ay nagsilbi umanong lookout.

Sinugod ang biktima sa Gat Andres Bonifacio Hospital ngunit idineklara ni Dr. Carlito Padilla na patay na ito bandang alas 4:44 ng madaling-araw.

Ilang oras pa lamang ay naaresto ng mga operatiba ng MPD Delpan Police Station12 sa pamumuno ni PLt. Ferdinand Omli, ang isa sa suspek na nakakulong na ngayon sa MPD Homicide Section.

Ayon sa pahayag ni Police Major Garcia, may posibilidad na may kinalaman sa ilegal droga ang nasabing insidente.