Calendar
Makikitang sumabog ang hinihinalang IED matapos kalikutin ng panadero. JONJON C. REYES
KELOT SUGATAN MATAPOS ‘IED’ NA KINALIKOT SUMABOG




KASALUKUYANG inoobserbahan ang isang 34-anyos na lalaki matapos masabugan ng hinihinalang improvied explosive device (IED) na kanyang kinalikot umano Lunes ng gabi sa Sta. Ana, Manila.
Nakilala ang biktima na si alyas Dominic, 34, panadero, tubong Tuguegarao, Cagayan, may live in partner, at naninirahan sa Old Panaderos, Barangay 889, Sta Ana.
Ayon sa report ng Manila Police Distrit, bandang 6:05 ng gabi ng maganap ang pagsabog sa Pedro Gil St., Bgy. 879, Sta. Ana.
Base sa paunang imbestigasyon, dumating ang biktima at ang kanyang kinakasama na si alyas Raquel, 40, sa lugar ng insidente sakay ng motorsiklo.
Bumaba sila sa motorsiklo upang bumili ng barbecue.
Pagkatapos nito, nagtungo ang biktima sa isang kalapit na tindahan na nagbebenta ng honey bees at iba pang mga gamit.
Kalaunan, sumakay muli ang lalaki sa kanyang motorsiklo, kinuha ang hinihinalang IED sa compartment at kinalikot umano ito.
Biglang sumabog ang hinihinalang IED at nagdulot ng pinsala sa kanyang kamay, tiyan at ibang parte ng katawan ng panadero.
Agad tinulungan ng mga drayber ng tricycle sa lugar pati na ng kanyang ka-livein ang duguang biktima at isinugod siya sa pagamutan.
Ayon sa doktor, nakatakdang sumailalim sa operasyon ang biktima.
Ayon sa biktima, ang hinihinalang IED ay napulot niya sa labas ng kanilang tirahan.
Patuloy pa ring iniimbestigahan ng pulisya ang insidente.

