Ama

Ama kakasuhan, ginawang parausan, punching bag mga anak

Edd Reyes Aug 4, 2026
38 Views

NAILIGTAS ng mga pulis ang menor-de-edad na magkapatid na inaabuso ng sarili nilang ama noong Lunes sa Taguig City.

Sa tulong ng Barangay Napindan VAWC Desk at City Social Welfare and Development Office (CSWDO), nasagip ang 14-anyos na batang babae at 12-taong gulang na kapatid na lalaki dakong alas-3:30 ng hapon mula sa kanilang tirahan sa Brgy. Napindan.

Sa ulat kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Anthony Aberin, dumanas ng pang-aabusong seksuwal ang batang babae sa kamay ng sariling ama mula pa noong buwan ng Hunyo habang madalas naman nitong bugbugin ang anak na lalaki.

Hindi inulat ng pulisya kung nadakip ang ama ng mga bata habang nasa pangangalaga na ng CSWDO ang magkapatid upang pagkalooban ng proteksiyon at psychosocial assessment.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa ama ng mga bata sa Office of the City Prosecutor.