Malabon1 Source: Malabon City Government

Klase sa Malabon Nat’l HS sinuspinde dahil sa banta ng shooting

Edd Reyes Jul 15, 2026
115 Views

Malabon2

Malabon3
Source: Malabon City Government

SINUSPINDE ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon ang pang-hapong klase sa Malabon National High School matapos makatanggap ng pagbabanta sa pamamagitan ng social media hinggil sa umano’y magaganap na pagpatay sa mga estudyante sa naturang paaralan.

Alas-8:45 ng umaga nang i-post sa FB page ng isang nagpakilalang Bela Asx ang umano’y magaganap na pagpatay sa mga estudyate mula Grade 7 hanggang Grade 12 na magsisimula ng alas-2:30 ng hapon sa pamamagitan ng pamamaril at wala silang pake kung mahuli man sila.

Sa kalatas na inilabas mula sa tanggapan ni Mayor Jeannie Sandoval, pinayagan na nilang umuwi ang mga mag-aaral sa naturang paaralan, bilang pag-iingat at upang matiyak ang kaligtasan ng lahat

Matapos matanggap ang pagbabanta, kaagad nagresponde ang mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director Benliner Capili sa loob at paligid ng paaralan upang tiyakin ang seguridad habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon kaugnay sa kumalat na pagbabanta.

Nanawagan naman ang lokal na pamahalaan sa publiko na manatiling kalmado, umiwas sa pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon, at umasa lamang sa mga opisyal na anunsyo.

Tinitiyak din ng mga awtoridad na ang sinumang mapatutunayang responsable ay pananagutin at sasailalim sa buong saklaw ng umiiral na batas.

“Ang kaligtasan ng ating mga mag-aaral ay nananatiling pangunahing prayoridad,” pahayag ng tanggapan ng alkalde.