Malate Ipinakita ng biktimang pulis ang pinsala sa kanyang mukha matapos sapakin ng suspek. JONJON C. REYES

Pulis sinapak, dinuraan sa kaguluhan sa Malate

Jon-jon Reyes Jul 15, 2026
120 Views

Malate1MGA pxxxxx inx ninyo! Mga naka-uniporme lang kayo. Kaya ko kayong ipatanggal sa serbisyo!”

Ito ang paulit ulit na binigkas ng isang 30-anyos na lalaki sa mga kapulisan na rumesponde Martes ng madaling araw sa kaguluhan sa tapat ng Family KTV Bar na matatagpuan sa Adriatico Street, kanto ng Remedios Street, Barangay 699 Zone 76, Malate, Manila.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Art. 287 (Unjust Vexation), Art. 151 (Resistance and Disobedience to an agent of a person in authority), at Art. 148 (Direct Assault) sa ilalim ng Revised Penal Code ang naarestong suspek na nakilalang si alyas Acer, 30, tubong Bulacan, binata, at residente ng Progressive Village, Molino, Bacoor City, Cavite.

Ayon sa report ni PLt.Col.June Paolo Abrazado mula sa mga rumespondeng pulis na sina PSSg Adriano Ocampo at PAT Joemari C. Villanueva, mga tauhan ng Remedios PCP, Ermita Police Station 5 (Malate, Manila), bandang 2:03 a.m. nang mangyari ang insidente.

Nagtungo sa tanggapan ng Remedios PCP ang saksi na si alyas Jose Jr., 27, binata, waiter, at residente ng Paco, Maynila, upang iulat ang kaguluhan.

Ipinaalam naman ng isa sa mga kawani ng establisyimento sa mga rumespondeng pulis na naayos na ang gulo.

Habang paalis na ang mga pulis, nagkaroon muli ng komosyon na kinasasangkutan ng nasabing suspek, kaya agad na namagitan ang mga otoridad.

Paulit-ulit na pinayuhan ng mga pulis ang suspek na manatiling kalmado at huwag nang magdulot ng karagdagang kaguluhan.

Ngunit dinuro, pinagmumura at dinuraan umano ng suspek ang mga pulis.

Sa kabila ng agresibo at mapang-udyok na asal ng suspek, nagpakita ng matinding pagtitimpi ang mga pulis at sinubukang pakalmahin siya.

Napilitang arestuhin ng mga parak ang suspek nang patuloy itong manggulo at sumunod sa kanilang payo.

Habang inaaresto ay sinuntok ng suspek sa mukha ang isnag pulis.

Matapos masukol, dinala ang suspek sa pasilidad na medikal para sa pagsusuri bago dinala sa Ermita Police Station para sampahan ng kaukulang kaso.