Motor

Lalamove rider todas nang manlaban sa mga holdaper sa Pasay

Edd Reyes Oct 4, 2025
385 Views

TODAS ang 31-anyos na delivery rider nang barilin ng isa sa mga holdaper na nagtangkang agawin ang hawak na cellphone Biyernes ng gabi sa Pasay City.

Dead on arrival sa pinagdalhang pagamutan ang biktima sanhi ng tama ng bala sa ulo, habang tinutugis na ng mga pulis ang tatlong nakatakas na mga salarin.

Sa ulat ng pulisya, ipinarada ng biktima ang motorsiklong ginagamit sa hanapbuhay sa BAC 1-11, Barangay 190, Don Carlos Village, dakong alas-6 ng gabi upang kunin ang item na ide-deliver sana niya sa may Rotonda, Pasay, nang harangin ng tatlong suspek pagpasok sa maliit na eskinita.

Pilit umanong inagaw ng isa sa mga suspek ang cellphone ng biktima subalit pumalag at nagtangkang manlaban kaya’t binaril siya ng isa sa mga ito.

Nakatakbo pang palabas ng eskinita ang biktima subalit bumulagta rin paglabas ng kalsada.

Ayon kay Pasay police chief P/Col. Joselito De Sesto, tukoy na nila ang pagkakakilanlan ng mga suspek, na may kinasasangkutang mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga at pag-iingat ng hindi lisensiyadong baril.

Nagtago umano ang mga ito at umalis ng Pasay subalit nang lumamig ang kaso ay muling lumutang sa kanilang tambayan.

Gayunman, nang lusubin ng pulisya ang drug den na tinatambayan ng mga suspek, wala na ang mga ito at iniwan ang ginamit na mga drug paraphernalia kaya’t malaki ang hinala ng pulisya na bumatak muna ang tatlo bago isinagawa ang panghoholdap.