Calendar
DHSUD nakibahagi sa whole of nation aproach sa pagtulong sa mga nilindol
AKTIBONG nakikibahagi ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa isang “whole-of-nation” na pagtugon upang tulungan ang mga mamamayan ng lalawigan ng Cebu na naapektuhan ng malakas na lindol, katuwang ang iba pang mga ahensya ng pambansang pamahalaan (NGA) at mga non-governmental organization (NGO).
“Alinsunod po ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa pagsasanib-puwersa ng mga ahensya ng gobyerno at pribadong sektor sa pagtulong sa pagbangon ng ating mga kababayang nabiktima ng lindol sa Cebu,” pahayag ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling.
Noong Sabado, dumalo ang mga pangunahing opisyal ng DHSUD sa isang interagency response meeting sa Bogo City—isa sa mga lugar na matinding tinamaan ng 6.8 magnitude na lindol na yumanig noong Martes.
Sina Undersecretaries Ed Robles at Ramon Quintin Allado, at Assistant Secretary Hernando Caraig Jr. ay nakipagpulong kay Philippine Red Cross Chairman Richard Gordon at iba pang mga opisyal mula sa mga NGA at NGO sa layuning pag-ibayuhin ang koordinasyon ng pamahalaan at pribadong sektor sa pagtugon sa pangangailangan ng mga biktima ng lindol.
Nag-inspeksyon din ang mga opisyal ng DHSUD sa isang residential area sa Purok Joseph, Barangay Dakit, Bogo City na pinaniniwalaang nasa ibabaw ng fault line na naging sanhi ng mapaminsalang lindol.
Personal nilang nasaksihan ang pinsala sa mga tirahan sa Bogo City dulot ng malakas na pagyanig. Kasama nila sa inspeksyon ang mga opisyal mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Binisita rin ng mga opisyal ang panukalang lugar para sa pagtatayo ng “tent city” na magsisilbing pansamantalang tirahan para sa mga residenteng nawalan ng bahay o takot pang bumalik sa kanilang mga tahanan.

