Calendar
HEALTH BENEFITS SA NILINDOL — Sinabi ni Health Assistant Secretary Albert Domingo nitong Sabado na sasagutin ng PhilHealth ang orthopedic services para sa mga biktima ng lindol sa Cebu.
PNA photo ni Joyce Ann Rocamora
Orthopedic serbisyo para sa biktima ng lindol sa Cebu covered ng PhilHealth
INAPRUBAHAN ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pagpapalawak ng Z benefit package upang masaklaw ang orthopedic services para sa mga biktima ng lindol, na may lakas na 6.9 magnitude na tumama sa Cebu noong Setyembre 30.
Ito ay inanunsyo ni Department of Health (DOH) Assistant Secretary Albert Domingo sa isang panayam nitong Sabado sa paglulunsad ng “PinaSigla: Isang Flex para sa Masiglang Pilipinas!” national health fair sa Rizal Park, Manila.
Ayon kay Domingo, inaprubahan ng PhilHealth Board of Directors ang pagpapalawak ng benepisyo sa kanilang pormal na pagpupulong noong Biyernes.
“Basta ang pasyente ay biktima o ang kanyang injury ay nanggaling doon sa lindol, aftershocks included, sasagutin po ng PhilHealth ‘yung ortho,” aniya.
“Marami po sa mga kaso ay nabalian, nabagsakan, naputol ang bahagi ng katawan at ang kailangan ay ‘yung mga implants, which is usually mahal. Sasagutin po ‘yan ng PhilHealth until the state of calamity is lifted for the particular incident,” sinabi pa niya.
Sinabi rin ni Domingo na ipatutupad ang zero balance billing sa tatlong ospital ng DOH na nasa Cebu.
Patuloy ang tugon ng DOH sa lindol sa mga apektadong lugar, kabilang ang pag-deploy ng karagdagang mga mental health specialist sa lalawigan.
“DOH will take care of the mental health part — mayroon tayong Mental Health and Psychosocial Service team na ide-deploy sa Cebu province on a rotational basis para iyon ang mag-aasikaso doon sa mental health,” aniya.
“Pero mayroon na tayong teams na nandoon, ‘yung ating mga health emergency response teams and mayroon naman silang capabilities,” dagdag niya. Philippine News Agency

