Calendar
Oducado pinayuhan mga sundalo: Manatiling tapat sa Konstitusyon
BAGAMA’T pinawi na ng Department of National Defense (DND) ang mga agam-agam at alingasngas kaugnay sa diumano’y inuumang na kudeta laban sa administrasyong Marcos, pinayuhan ni 1Tahanan Party-list Rep. Nathaniel “Atty. Nats” M. Oducado ang hanay ng mga kasundaluhan na manatiling tapat sa Konstitusyon at sa kanilang sinumpaang tungkulin.
Nauna rito, pinasinungalingan at pinawi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang mga kumakalat na tsismis na nagbabalak umano ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na maglunsad ng kudeta laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Dahil dito, pinayuhan ni Oducado ang mga kasundaluhan na huwag magpapasulsol sa pambubuyo ng anumang grupo na nagnanais ibagsak o patalsikin ang kasalukuyang gobyerno, sapagkat ang pangunahing maaapektuhan nito o magsisilbing “collateral damage” ay ang buong sambayanang Pilipino.
Binigyang-diin ni Oducado na hindi masusulusyunan ng armadong pag-aaklas tulad ng kudeta ang mga problemang kinakaharap ng bansa, kundi sa pamamagitan ng pagkakaisa at taimtim na panalangin upang makaalpas ang mamamayang Pilipino sa kasalukuyang ligalig.
Aminado ang kongresista na maraming grupo ang diskontento at dismayado dahil sa talamak na korapsyon.
Subalit iginigiit nito na hindi ang pag-aaklas o pang-aagaw sa kapangyarihan ang makakaresolba sa naturang isyu, kundi ang pagbabalangkas ng mga konkretong hakbang upang sawatain at lansagin ang malawak na katiwalian sa bansa.
Sinabi ni Oducado na hindi masusulusyunan ng problema ang isa pang problema, dahil sa halip na humupa ang masalimuot na sitwasyon ay posibleng mas lalo pa itong lumubha dahil lalong magkakagulo sa bansa kung saan ang mamamayan ang pangunahing maaapektuhan.
Samantala, dumalo si Oducado sa pagdinig ng House committee on health kung saan tinalakay ang mga panukalang batas sa sektor na ito.
“Sama-sama nating suportahan ang mga batas na naglalayong mapaunlad ang ating sistema ng kalusugan at pangalagaan ang kapakanan ng mga Pilipino,” sabi ni Oducado.
