Calendar
Dinagsa ang libreng mga serbisyo na hatid ng Ecija Malasakit Caravan. Kuha ni STEVE A. GOSUICO
Libreng pasipsip ng poso negro, hilot, gupit patok sa Ecija Malasakit Caravan
SAN ANTONIO, Nueva Ecija – Pumatok sa takilya ang freebies tulad ng “libreng pasipsip ng poso negro, hilot, gupit, x-ray, pa-xerox ng dokumento, at lugaw” na alok ng pamahalaang bayan dito nitong Miyerkules.
Dahil sa palibreng ito, dinagsa ng halos 1,600 na residente sa barangay gym dito ang “Serbisyong May Malasakit” caravan na inilunsad sa unang pagkakataon sa Bgy. Cama Juan sa primera klaseng bayang ito.
Ipinahayag ni Barangay Captain Eddie Villaluz na siya ay lubos na nagpapasalamat para sa libreng serbisyong lokal at pambansa ng “Malasakit caravan” na direktang ibinagsak sa kanyang barangay sa unang pagkakataon.
“Sa kasaysayan ng barangay namin, ngayon lang nakarating itong Malasakit Caravan na ganito dito, kaya kami po ay nagpapasalamat at tinatanaw namin itong utang na loob kay Mayora Dra. Gege Salonga-Esquivel at kay Kuya Mayor Arvin Cruz Salonga, mga konsehal pati mga department heads ng San Antonio,” Villaluz said.
Sa kanyang mensahe, sinabi naman ni Mayor Salonga-Esquivel: “Nagpapasalamat ako sa mga bisita nating agencies nandito ngayon ang 4P’s, SSS, PhilHealth, DSWD, National I.D., (PhilSys), sa kanilang serbisyo na talagang kailangang-kailangan ng ating mga kababayan at sa mga kasamahan natin sa LGU sa pagbibigay ng panahon at pagpapakita ng tunay na serbisyo.”
Pumatok agad sa caravan ang libreng gupit na inialay ng San Antonio Love One Another (SALOA) salon hair-cutters kung saan pumila agad ang mga bata, estudyante, at senior citizens bago pa magsimula ang programa alas-otso ng umaga.
Buong puwersa ng lahat ng departamento ng LGU ang naghatid ng iba’t ibang serbisyo tulad ng pagpaparehistro ng mga botante, libreng konsultasyong medikal at gamot, pag-update ng mga rekord ng LCR, libreng x-ray, libreng pasipsip ng poso negro, hilot, cedula/real property tax, at libreng seedlings, kabilang ang pagkuha ng trabaho ng Kasipag Micro-Financing Inc.
Ang pinakabagong edisyong ito ng Malasakit Caravan ay pangalawa sa 16-bahagi ng serye nito. Susunod na aktibidad ay nakatakda sa Bgy. Julo sa Nobyembre.

