Calendar
LTFRB pinagsama-sama na petisyon sa dagdag pasahe
SINIMULAN na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagsasama-sama ng lahat ng petisyon para sa pagtaas ng pamasahe—kabilang na ang sa mga pampasaherong jeepney na nakabinbin mula pa noong Agosto 2023.
Ang mga petisyong ito ay bahagi ng mahigit 37,000 mosyon na nananatiling nakabinbin sa LTFRB, na dati nang inilarawan ni Acting Secretary Giovanny Lopez bilang isa sa mga pangunahing dahilan ng “magulo at tila digmaan” na kalagayan ng pampublikong transportasyon sa Metro Manila at iba pang rehiyon.
Binigyang-diin ni LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II ang pangangailangang tugunan ang usapin, matapos lumabas sa mga paunang konsultasyon na may ilang pampublikong sasakyan (PUV) ang tumigil sa operasyon dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo, maintenance, at piyesa.
“Nauunawaan natin ang sitwasyon ng ating mga kababayan sa PUV sector dahil talaga namang nagtaas ang presyo ng mga krudo at mga bilihin, kasama na yung mga spare parts na ginagamit sa maintenance, sa mga nakalipas na taon,” ani Chairperson Mendoza.
Hindi bababa sa limang pangunahing transport group ang naghain ng petisyon noong 2023 para sa ₱5 dagdag sa minimum na pamasahe sa unang apat na kilometro at ₱1 sa bawat kasunod na kilometro.
Mula 2024, nagsumite rin ng petisyon ang ilang grupo ng bus at taxi, na nagsabing hindi na sapat ang kanilang kita upang matugunan ang tumataas na gastos sa operasyon.
Ipinag-utos ng LTFRB Board, sa pamumuno ni Chairperson Mendoza, sa lahat ng Regional Director na magsagawa ng public consultation hinggil sa mga petisyon sa pamasahe. Ang lahat ng resulta at rekomendasyon ay dapat isumite sa kanyang tanggapan bago ang Nobyembre 14.
Ang mga natuklasan, pagsusuri, at rekomendasyon ng LTFRB ay isusumite sa tanggapan ni DOTr Acting Secretary Lopez sa Nobyembre 17.
Tiniyak ni Chairperson Mendoza na kabilang sa mga makakonsulta ang mga economic manager upang matiyak na ang magiging desisyon ay nakabatay sa balanseng pagsusuri at kapakinabangan ng lahat.

