Calendar
LTO hinuli 9,736 overloaded trucks mula Enero hanggang Hulyo
NAHULI ng Land Transportation Office (LTO), sa pamumuno ng Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, ang 9,736 na trak dahil sa overloading mula Enero hanggang Hulyo 2025.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, inatasan na niya ang lahat ng regional directors at pinuno ng enforcement units ng ahensya na magsagawa ng mas maigting na operasyon sa pamamagitan ng mga surprise inspection sa mga karaniwang ruta ng mga trak sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Sa Metro Manila, ilan sa mga ruta na tinukoy niya ay ang mga pangunahing lansangan gaya ng C-5 Road at Katipunan Avenue.
“Kailangan maramdaman ang presensya natin dahil buhay at kaligtasan ng mga motorista ang nakataya dito.
Karamihan diyan mga breadwinner ng pamilya na kapag naging permanently disable o binawian ng buhay magdudusa ay ang buong pamilya,” ani Asec. Mendoza.
Ang parusa para sa mga trak at trailer na lalampas sa itinakdang gross vehicle weight ay katumbas ng 25% ng Motor Vehicle Users Charge (MVUC).
Ipinaliwanag ni Asec. Mendoza na ang mga trak na overloaded ay madalas na nakaaapekto sa kondisyon ng makina at sistema ng preno na sanhi ng ilang malulubhang aksidente sa kalsada sa mga nakalipas na taon.
Batay sa datos ng LTO, karamihan sa mga nahuli dahil sa paglabag sa RA 8794, o overloading, ay mula sa LTO Central Office, kasunod ang LTO-National Capital Region at LTO Northern Mindanao.
Nakikipag-ugnayan na ang LTO ngayon sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno upang lalo pang paigtingin ang kampanya laban sa overloading.
Kabilang dito ang pagtatayo ng mga weighing bridges sa mga pangunahing lansangan.

