Calendar
Yorme Isko idiniin kahalagahan ng malayang pamamahayag
PINANGUNAHAN ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa pagdiriwang ng National Press Freedom Day na tinampukan ng pag-aalay ng bulaklak sa rebulto ni Marcelo H. Del Pilar Sabado ng umaga sa compound ng National Press Club (NPC) sa Intramuros, Manila.
Sa kanyang talumpati, binanggit ng alkalde ang kahalagahan ng malayang pamamahayag na mabisang armas sa paglalantad ng mga katotohanan sa likod ng nangyayari sa kapaligiran, hindi lamang sa pamahalaan, kundi maging sa pribadong organisasyon.
Sa panayam kay Yorme Isko, sinabi niya na nararapat lamang na maging responsable at tumanggap ng kritisismo, hindi lamang sa mga tulad nilang nasa gobyerno, kundi maging mga indibiduwal tulad ng mga artista.
Sila aniya sa pamahalaan ay may pananagutan sa taumbayan kaya dapat lang nilang tupdin ang mga naka-atang sa kanilang tungkulin, tulad din ng mga mamamahayag na may tungkuling gawin ang mga istorya na mahalagang malaman ng mamamayan.
“Hindi naman perpektong mundo ito, hindi rin ako perpekto bilang tao, not only as mayor, kundi bilang tao, maybe from time to time, I make mistakes and it is up to you now to say, Oy, mali ka. Ipapaliwanag ko naman baka mayroon akong ibang maganda o maayos na dahilan,” sabi ng alkalde.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si NPC President Leonel “Boying” Abasola kay Mayor Isko sa kanyang pagbibigay ng panahon upang makadalo sa mahalagang okasyon,
Sa kanyang pagsasalita, hindi napigilan ng Pangulo ng NPC ang magpahayag ng hinanakit sa isang mambabatas na binatikos ang mga kasamahan sa hanapbuhay sa panahon ng pagdiriwang ng R.A. 1699 o ang Philippine Press Freedom Day.

