LTO

LTO pinatawag viral van owner na nangompronta ukol sa illegal parada

Jun I Legaspi Aug 10, 2025
316 Views

IPINATAWAG ng Land Transportation Office (LTO) ang may-ari at driver ng delivery van na nakitang nakikipagtalo sa viral na video dahil sa ilegal na pagparada sa Quezon City.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang pagpapalabas ng show cause order laban sa may-ari at driver ng Mitsubishi L300 (NEL 7278) alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na ipatupad ang disiplina sa kalsada, lalo na sa mga motorista.

Sa naturang viral video, makikitang nakikipagtalo ang driver ng L300 van sa ilang motorista dahil sa maling pagparada.

Bagama’t nakatabi sa gilid ng kalsada, nakaharang naman ang van sa driveway ng isang establisimyento sa Timog-Tomas Morato area sa Quezon City.

“Kitang-kita sa video na mali ang parking ng van subalit lumalabas na ang tapang pa ng driver nito. But we will give the driver and the owner the opportunity to explain their side,” pahayag ni Asec Mendoza.

Dagdag pa ni Asec Mendoza, agad na sususpindehin ng 90 araw ang lisensya ng driver kapag natukoy ang pagkakakilanlan nito sa pamamagitan ng imbestigasyon.

Samantala, isinailalim sa alarma ang L300 van habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon ng LTO-Intelligence and Investigation Division na pinamumunuan ni Renante Melitante.

Nahaharap ang driver sa mga kasong illegal parking, obstruction, at pagiging isang improper person to operate a motor vehicle.

Inatasan din ang driver at may-ari na magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat patawan ng kaukulang parusa kaugnay ng insidente.