LTO

LTO sa may-ari ng motor na hinarang sa kalye: Humarap ka sa ‘min

Jun I Legaspi Mar 21, 2025
14 Views

IPINATAWAG ng Land Transportation Office (LTO) ang may-ari ng motorsiklong nag-viral matapos itong iiwan na nakaparada sa gitna ng kalsada sa Antipolo City.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza, ikinagulat niya ang insidente at hindi niya akalaing may maglalakas-loob gawin ito sa kabila ng abala at panganib na idudulot sa ibang dumadaang sasakyan.

“Talagang mapapailing ka na lang na may mga motoristang ganito ang asal sa kalsada. Subalit gusto din nating pakinggan ang kanyang panig dahil may karapatan siya for due process,” ani Asec Mendoza.

“Ngunit ang tinitiyak ko sa mga netizen na galit sa insidenteng ito, kung hindi tayo makukumbinsi sa kanyang paliwanag kung bakit iniwang nakaparada ang motorsiklo sa gitna ng kalsada, napakalaki ng magiging problema niya sa LTO,” dagdag niya.

Sinabi ni Asec Mendoza na ang unang hakbang ng ahensya ang pagpapalabas ng Show Cause Order (SCO) laban sa rehistradong may-ari ng motorsiklo, batay sa impormasyong nakalap mula sa viral na video.

Kasabay nito, bahagi rin ng imbestigasyon ang pagtukoy kung ang rehistradong may-ari nga ba ng motorsiklo ang tunay na nagparada nito sa gitna ng kalsada.

Sa SCO na nilagdaan ni LTO-Intelligence and Investigation Division (IID) Chief Renante Melitante, pinapaharap ang may-ari ng motorsiklo, na nakatira sa Barangay San Roque, Antipolo City, sa LTO Central Office sa Quezon City sa darating na March 24.

Dagdag pa rito, nakasaad din sa SCO na: “Ang kabiguang humarap at magsumite ng nakasulat na paliwanag ituturing ng Tanggapan na isang pagsuko ng inyong karapatan upang ipagtanggol ang inyong sarili, at ang kaso diringgin batay sa ebidensiyang hawak.”