Manila Best tournament

Lyceum, Perpetual Help, Letran namayani

158 Views

NAMAYANI ang NCAA host Lyceum of the Philippines, University of Perpetual Help System Dalta at Letran College laban sa kani-kanilang mga katunggali sa pagpapatuloy ng aksyon sa Manila

Best Tournament basketball championship sa Trinity University of Asia gym sa Quezon City.

Dinaig ng Pirates ang UAAP team Universy of the Philippines, 78-67, para sa una nitong panalo sa dalawang laro sa prestihiyosong 14-team tournament na itinataguyod ni retired PBA referee Joey Calungcaguin.

Si MC Guadana, na nahirang na“Best Player of the Game”, ay nagpakawala ng 26 points para sa Lyceum, na nakatakdang maging punong-abala sa darating na 100th season ng NCAA sa Sept. 7.

Ang Pirates, na ginagabayan ni dating PBA player-turned-coach Gilbert Malabanan at assistant coaches MC Caceres at Al Vergara,ay nabigo laban sa College of St. Benilde, 77-78, sa una nilang laro.

Nanguna si African recruit Francis Nkoruka para sa Maroons sa kanyang game-high 28 points.

Nagpakitang gilas din ang Knights, na nanalo laban sa Jose Rizal University, 75-69, at Altas, na nakusot kontra sa St Benilde, 63-62, upang pumarehas sa kanilang mga biktima na may 1-1 win-loss records.

Ang Letran, na pinamumuan ni coach Allen Ricardo, ay sumandal kina Deo Cuajao, James Jumao-as at Kobe Monje upang pataubin ang opening-day winner na JRU.

Nagpasikat si Cuajao, na napiling “Best Player of the Game”, sa kanyang 30 points para sa Letran, na nakabawi mula sa 84-92 kabiguan laban sa Mapua nung opening day.

Nag-ambag naman sina Jumao-as at Monje ng 13 and 11 points, ayon sa pagkasunod, para sa Intramuros-based Knights.

Nanguna si MJ Raymundo sa kanyang 13 points para sa Heavy Bombers.

Ang Best Player of the Game winner na si Christian Pagaron ay umiskor ng 14 points para sa Altas ni former national player-coach Olsen Racela.

Ang Manila Best Tournament ay itinataguyod ng Philippine Air Lines, Smart Sports, JamReiBiz Watersports, EastPrint Clothing, Jasmine Crib at Malabrigo Batangas, VS & F Catering, Kick on your Feet Shoe and Apparel, Louie’s Buko, I Wellcare, Ezekiel’s Touch Health and Wellness Spa at Black Mamba Energy Drinks.

Suportado din ang kumpetisyon ng Armstrong Philippines, Fil Nation Select, MS Elite Basketball Saudi Arabia, Youth Basketball Coaches PH, Philippine Amateur Basketball Referees Organization (PABRO) at Samahan Basketball ng Pilipinas (SBP). AA