Madrona

Madrona nais muling buhayin historical sites sa Romblon 

Mar Rodriguez Dec 1, 2022
277 Views

HINAHANGAD ng isang veteran congressman na muling maibalik ang dating sigla ng kanilang lalawigan sa pamamagitan ng pagsasa-ayos, konstruksiyon at restoration ng mga natatanging historical sites sa kanilang lugar kaakibat ang isinulong nitong panukalang batas.

Bilang Chairman ng House Committee on Tourism, nais ni Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus F. Madrona na samantalahin ang pagkakataon para makatulong na muling maibalik sa dati (restoration) ang mga kilalang historical site sa Pilipinas kabilang na ang kaniyang lalawigan.

Inihain ni Madrona ang House Bill No. 6372 sa Kamara de Representantes na naglalayong maibalik sa dati o ma-restore ang Ruins of Cotta de San Jose na matatagpuan sa Minipalidad ng Corcuera sa Romblon na itinayo at ginawang kuta ng Kastila noong 17th Century.

Ipinaliwanag ni Madrona na maaaring hindi pamilyar sa ilang Pilipino ang kasaysayan ng nasabing lugar. Subalit para sa kanila na lumaki at tumanda sa Romblon, malaking kontribusyon aniya ang naiambag nito para sa kasaysayan ng Pilipinas noong panahon ng Kastila.

Sinabi ni Madrona na hindi man nakatala sa mga “historical books” ang kasaysayan ng Ruins of Cotta de San Jose. Subalit malaking tulong ang naibigay nito para sa mga residente ng Romblon nang minsan silang salakayin ng mga piratang Moro.

Ikinuwento ng mambabatas na ang nasabing lugar ang nagsilbing proteksiyon ng mga taga Romblon upang huwag silang tuluyang mapasok ng mga sumasalakay na Moro pirates.

Ayon kay Madrona, noong kalagitnaan ng Dekada 60, nasira ang ilang bahagi ng kuta dahil sa malakas na lindol.

Dahil dito, layunin ni Madrona na muling maisa-ayos ang nasabing makasaysayang lugar upang magsilbing isang ala-ala para sa mga dayuhang bibisita sa kanilang lugar na nakapaloob sa isinulong niyang panukalang batas sa pamamagitan ng mga isasagawang konstruksiyon o restoration.

Hinihiling din ni Madrona sa Department of Tourism (DOT) na maisama sa mga priorities ng ahensiya para sa 2023 ang development ng Cotta de San Jose upang maka-akit ng maraming lokal at dayuhang turista na magtutungo sa kanilang lalawigan.