Madrona

Madrona sang-ayon na parusahan ang mga isnaberong taxi at TNVS drivers

Mar Rodriguez Dec 9, 2025
113 Views

𝗕𝗜𝗟𝗔𝗡𝗚 vice-chairperson ng House Committee on Transportation, sinasang-ayunan ni Romblon Lone District Representative Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ang inilabas na kautusan ng Department of Transportation (DOTr) laban sa mga isnaberong taxi at TNVS driver na namimili ng pasahero ngayong Holiday season.

Ikinatuwiran ni Madrona, Chairman din ng House Committee on Tourism, na dapat turuan ng leksiyon ang mga taxi at TNVS driver na umiiwas sa mga pasahero na naninirahan sa malayong lugar sa pamamagitan ng pagkansela sa kanilang booking trips.

Isa rin sa nakikitang dahilan ni Madrona ay ang mabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila kung saan maraming mga taxi at TNVS driver ang nagrereklamo sapagkat nauubos ang kanilang oras sa napakahabang oras na biyahe o paghatid sa kanilang pasahero.

Gayunman, pagbibigay diin ng kongresista na hindi aniya ito dahilan para ang mga pasahero o commuters naman ang kanilang pahirapan, nang dahil lamang sa katuwiran nilang mabigat na trapiko sa Kalakhang Maynila sa panahon ng Kapaskuhan.

Dahil dito, sinabi ni Madrona na tama lamang ang naging direktiba ng DOTr upang tutukan at resolbahin ang lumulubhang problema ng trip cancellation kabilang na ang iba pang paglabag ng PUV drivers ngayong Holiday season.

Ayon sa kaniya, ang pagpapataw ng kaparusahan sa mga isnaberong drivers ay magsisilbing babala at paalala narin sa kanila na dapat ay gampanan nila ng maayos at may responsibilidad ang kanilang trabaho.

Samantala, nakibahagi si Madrona sa regular meeting ng House Committee on Legislative Franchise bilang miyembro nito na tumalakay sa pang-matagalang prangkisa ngga electric cooperatives kasama na ang pagtalakay sa prangkisa ng mga broadcasting companies.

Sabi ni Madrona na pitong panukalang batas ang tinalakay ng Komite kung saan ang bawat kompanya ay humihiling na magkaroon sila ng 25 years extension sa kanilang prangkisa.