Calendar
EDSA gagawing user-friendly ng DOTr, DPWH
AAYUSIN ng Department of Transportation (DOTr) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga imprastraktura sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) para sa kaligtasan ng mga pedestrians at commuters.
Ito’y kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing accessible at walkable ang EDSA para sa mga commuter at pedestrians, lalo na sa mga persons with disabilities (PWDs), senior citizens at mga buntis.
Pinangunahan nina Transportation Secretary Giovanni Lopez at Public Works Secretary Vince Dizon ang joint inspection sa pedestrian infrastructure sa EDSA noong Martes kasama ang mga miyembro ng Altmobility PH, Move as One Coalition at ibang civil society organizations.
Sinuyod ng dalawang kalihim ang kahabaan ng EDSA mula Ayala sa Makati patungong Roxas Blvd. sa Pasay.
Nagkasundo ang dalawang kalihim na gawin ang mga short-term action plan sa EDSA gaya ng pagpapalawak ng pedestrian lanes, pagsasagawa ng shared bike lane at repair stops, pedestrian waiting shed at pagtanggal sa mga obstruction sa dinaraanan ng mga komyuter.
“Ang pakiramdam ko po, isa akong mandirigma—napakahirap po. Kaya ipinag-utos na ni Pangulong Marcos na dapat solusyunan na natin ito para maging commuter-centric at pedestrian-friendly naman ang EDSA,” ayon kay Secretary Lopez.
“Kung araw-araw mong binabaybay yung EDSA, nakakastress talaga kung komyuter ka. Kailangan talaga once and for all, sabi nga ng Pangulo natin, ayusin na natin ito.
Andami-dami nang nagrereklamo pero wala paring nangyayari, so ang sabi ng Pangulo, ang utos niya samin ni Sec. Banoy at MMDA Chairman Don Artes, gawin na nating pedestrian-friendly at commuter-friendly itong EDSA,” sabi ni Secretary Dizon.

