Calendar
Sinisiyasat ng imbestigador ang labi ng biktima na nakaramdam ng hirap sa paghinga at namatay, matapos makipagtalik sa isang hotel sa Sta. Cruz, Manila.
Lalaki, 42, nakipagtalik sa hotel sa bebot na kakakilala lang, patay
HINDI na umabot ng buhay sa pagamutan ang isang 42-anyos na lalaki makaraang makaramdam ng hirap sa paghinga matapos makipagtalik sa isang 28-anyos na bebot sa isang hotel sa Sta. Cruz, Manila, hapon ng Linggo.
Nakilala ang biktima na si alyas “Edu” na tubong Barangay Antipolo, Rizal, Laguna.
Kinilala naman ang bebot na saksi at huling kasama ng biktima na si alyas “Marie” na naninirahan sa Soler Street, Quiapo, Manila.
Batay sa inisyal na imbestigasyon at sa pahayag ng saksi, nakilala niya ang biktima sa may Rizal Avenue noong Linggo.
Pagkatapos ng maikling pag-uusap, napagkasunduan ng dalawa na mag-check in sa malapit na hotel bandang alas-3:40 ng hapon at nauwi ito sa mainitang pakikipagtalik.
Pagkatapos ng kanilang oras ay nagsimula silang maghanda para mag-check out at habang nasa loob ng silid ang dalawa ay biglang nahirapang huminga ang biktima kaya tumawag ang saksi sa front desk ng hotel para humingi ng tulong.
Agad na nagtungo ang isang room attendant at tinulungan ang biktima. Sinubukan niyang buhatin at isugod ito sa pinakamalapit na ospital ngunit hindi na ito nagawa dahil sa bigat ng biktima.
Sinubukan din nilang parahin ang mga dumadaang sasakyan subalit walang tumigil upang tumulong sana sa pagdala sa biktima sa pagamutan.
Pagkatapos nito ay nakipag-ugnayan ang mga saksi sa Brgy. 309 at iniulat ang insidente sa Plaza Miranda Police Community Precinct.
Tinungo naman ng mga awtoridad na sina PSSg. John Loyd Valencia at PCpl. Alvic Eliseo ang lugar, kung saan ipinaalam sa kanila ng front desk personnel na naihatid na ang biktima sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC).
Kasunod nito, itinawag sa Manila Police District Homicide Section at inireport ang nangyari sa investigator on case na si PSSg. Ricardo R. Peña, na nagsagawa ng ocular inspection.
Ang biktima ay idineklarang dead on arrival sa JRMMC ng attending physician.

