Calendar
Mag-asawang senior citizens patay sa sunog sa Makati City
DEDO ang mag-asawang senior citizen habang anim pa ang sugatan sa sunog na sumiklab Sabado ng madaling araw sa Makati City.
Tinangka pang iligtas nang akayin ng kanyang anak ang 69-anyos na lola subalit dahil bagong opera lang ay mabagal ng maglakad kaya bumitiw ang matanda at nagpaiwan, kasama ang 70-anyos na asawa na nasa kanila pang silid.
Sugatan naman ang apat na babae na may mga edad na 20, 25, 37 at 50 taong gulang, at dalawang lalaki kabilang ang 81-anyos na lolo na may dementia at 24-anyos na binata, na pawang nabigyan ng kaukulang lunas ng mga nagrespondeng ambulansiya at Rescue Team.
Sa imbestigasyon nina Makati Fire Station arson investigators SFO3 Orlando Bucu Jr. at SFO1 Mark Angelo Arcillas, natutulog ang mga biktima nang sumiklab ang apoy dakong ala-1:54 ng madaling araw sa kanto ng D. Gomez at Sandico Streets, Barangay Tejeros.
Mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay na pawang gawa sa light materials.
Ilan sa mga nasunugan na hindi na makalabas ng bahay dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy ay nagpasiya na lang tumalon sa creek sa likod ng kanilang tirahan upang makaligtas.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago nakontrol ang apoy ng alas-4:26 ng madaling araw, hanggang tuluyang naapula ng alas-6:40 na ng umaga.
Nawalan ng tirahan sa naturang sunog ang 126 na pamilya na katumbas ng 366 na indibidwal na pansamantalang nanunuluyan sa covered court ng Brgy. Tejeros, habang inaalam pa ang halaga ng natupok na ari-arian at ang pinagmulan ng apoy.

