Calendar
Mag-ingat sa Akyat Bahay pag umpisa na Simbang Gabi
MALIGAYANG araw sa ating mga tagasubaybay, lalo na sa mga kababayan natin sa Japan.
Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.
Binabati natin sina Ma. Theresa Yasuki, Mama Aki ng Ihawan, Glenn Raganas, Patricia Coronel, La Dy Pinky, Endo Yumi, , Roana San Jose, Winger dela Cruz, Yoshiko Katsumata, Josie Gelo, Hiroki Hayashi, at kay Hiroshi Katsumata.
Binabati rin natin si Joann de Guzman at mga kasama niya sa Oman; Dolores Monfero, Delia Sunga ng Saudi Arabia.
God Bless sa inyong lahat!
(Para sa inyong komento at pagbati, mag-text sa: +63 9178624484/email:philipreyes08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)
***
Tama si Senate President Pro-Tempore Panfilo “Ping” Lacson na dapat huwag humupa ang galit ng taumbayan sa mga nangyari umanong anomalya sa mga flood control projects.
Pero hindi naman sana humantong sa kaguluhan at karahasan dahil ang bayan at taumbayan, ang magdurusa.
Ang makikinabang dito ay ang mga tao at grupong ang tanging hangad ay pabagsakin ang gobyerno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Sa ilalim ng 1987 Philippine Constitution, may karapatan ang mga tao “to air their legitimate grievances” sa pamamagitan ng mapayapang pamamaraan.
Puwedeng mag-rally at mag-martsa ang taumbayan pero kailangang sumunod tayo sa mga batas at iwasan ang manggulo.
Huwag tayong magpagamit sa mga grupong ang pakay ay patalsikin sa puwesto si Pangulong Marcos.
Tama lang na ilabas natin ang galit sa mga nangyayaring pagnanakaw sa kaban ng bayan at iba pang katarantaduhan sa gobyerno.
Pero hindi tamang gumamit tayo ng dahas at panlilinlang para lang makamit natin ang ating mga maitim na balak.
Kawawa naman ang taumbayan, lalong nalulugmok sa kahirapan dahil sa kasakiman ng mga nagpapanggap na lingkod-bayan!
***
Bago ang Nobyembre 30 ay inaasahang marami pang makakasuhan sa mga taong sangkot sa mga maanolyang flood control projects.
Hindi lang ‘yan. Marami pang maaaresto sa mga kinasuhan.
Ito ay magpapatunay lamang na seryoso ang gobyerno ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang nationwide anti-corruption campaign.
Sana tumulong ang publiko para masakote na ang mga suspek.
Puwedeng pansamantalang magtago ang mga suspek, pero aabutan at aabutan sila ng mahahabang kamay ng hustiya kahit saan sila magtago.
Ang mabuti pa ay sumuko na lang sila. Kung wala silang kasalanan ay naniniwala tayong makikita ito ng mga hukom.
Hindi ba ganyan ang ginawa noon ni dating Senador at ngayon ay Kongresista na si Leila de Lima.
Hindi siya nagtago at ipinaglaban niya ang kanyangmga karapatan.
Sa huli ay napawalang sala siya sa mga kasong inihain laban sa kanya.
Ang problema lang ay nagdusa siya sa kulungan ng matagal na panahon bago siya napatunayan na walang kasalanan.
Gayahin niyo si dating Senador at Justice Secretary Leila de Lima. Hinarap niya ng tahimik ang kanyang mga gawa-gawang kaso.
****
Sa Lunes ay December 1. Dalawang linggo na lang at simula na ang siyam na araw na Simbang Gabi.
Ang Simbang Gabi ay isang paghahanda ng mga Filipino, lalo na ang mga Katoliko, sa pagdating ng Araw ng Pasko.
Ang mahirap lang ay may mga kababayan tayong kaysa magsimba ay nambibiktima ng mga taong nagsisimba ng madaling araw.
Sa halip na magpunta sa simbahan ay inaakyat ang bahay ng mga nagsisimba.
Kaya siguraduhing may maiiwan sa bahay.
Ingat lang po tayo!

