Calendar
Traffic enforcer nag-aabang ng mga biktima sa Legarda Bustillos
HABANG abala si Director Dennis Viaje ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa pagbuntot sa mga aktibidad ni Yorme Isko Moreno, abala rin ang ilan niyang tauhan sa pangongotong sa mga motorista.
Magaling ding humanap ng puwesto ang ilang kalawang sa hanay ng MTPB dahil pumipili sila ng lugar na hindi hagip sa kuha ng CCTV tulad ng mga traffic enforcer ng gilid ng Jollibee sa Legarda Bustillos sa Sampaloc na naghihintay ng mga mabibiktimang motorista.
Sa halip na mag-ayos ng daloy ng trapiko, ang inaabangan nila ay ang mga maiipit sa gitna ng trapiko kapag nag-warning na ang stop light at ang mga iyon ang kanilang binibiktima.
Pero sa halip tikitan, lecture muna para ipabatid na P3,000 ang multa sa beating the red light, bukod sa pagsasailalim sa seminar pero puwede naman daw na sa kanila na lang bayaran ang kalahati.
Kung tutuusin, puwede namang i-contest ng motorista ang violation dahil warning at hindi pa red light nang abutan sila sa gitna dahil nga ma-traffic pero dahil ayaw maabala, napipilitan na lamang silang maglagay.
Naku Yorme, paki-konyatan nga itong mga nakatalaga diyan sa Legarda Bustillos bago ninyo sibakin at kasuhan para hindi maging merry ang kanilang Christmas. Yang mga iyan ang nakakasira sa malaking pagbabago sa lungsod kaya lagot kayo ke Yorme!
——–
Housing project ni Pangulong BBM, pangangasiwaan na
NASA pangangasiwa na ng Navotas City Government ang dalawang itinayong housing project ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa Tanza 1 na nakalaan sa 120 pamilyang naninirahan sa mapanganib na lugar sa lungsod.
Laking pasalamat ang ipinaabot ni Mayor John Rey Tiangco sa Pangulong Bongbong Marcos at kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling na kinatawan ni Usec Henry Yap, pati na kay National Housing Authority (NHA) chief Joeben Tai na dumalo sa pagpapasinaya sa dalawa sa anim na in-city housing projects sa Tanza 1.
Sabi ni Mayor John Rey, sa Tanza 1 rin itatayo ang 24 na low-rise building na kayang matirhan ng 1,140 pamilyang nasa mapanganib na lugar. Pinayuhan rin ang mga benepisyaryo na panatilihing malinis, ligtas, at disente ang kanilang tirahan..
Pasko may dalang pag-asa
Iba’t-ibang aktibidad ang naganap nitong Nobyembre 20 ng gabi sa Navotas Citywalk and Amphitheater.
Bukod kasi sa pagpapailaw ng giant Christmas tree at fireworks display, pinasinayahan din ng magkapatid ang pagbubukas ng Navotas Christmas Bazaar na nilahukan ng 35 lokal na mangangalakal at maliliit na negosyante, pati na ang paglalagay ng bigkis sa mga kandidata ng Mutya ng Navotas 2026.
Sabi ni Mayor Tiangco, hindi lamang sa pailaw at dekorasyon ang Pasko sa Navotas, kundi pagdadala rin ng pag-asa at suporta sa kanilang mamamayan na kasama nila sa pagharap sa hamon ng buhay.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com
