Calendar
Magnanakaw sa nasusunog na bahay huli
TIMBOG ang isa sa dalawang kawatan na nagnenok ng malaking salapi sa bahay ng babaeng negosyante habang nasusunog noong Miyerkules sa Parañaque City.
Kinilala ng testigo ang 31-anyos na kawatan na isa sa dalawang suspek na pumasok sa bahay ng biktima at kumuha sa P100,000 na laman ng alkansya at P36,000 sa binuksang cabinet sa Kapitan Tinoy Street, Barangay La Huerta.
Sa ulat kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Anthony Aberin, dakong alas-4 ng hapon nang magsimulang maghakot ng kanilang mga gamit ang biktima matapos sumiklab ang sunog malapit sa kanilang tirahan.
Tinangka pang pigilan ng testigo ang mga suspek subalit mabilis na tumakas ang dalawa kaya’t humingi na sila ng tulong sa pulisya.
Sa follow-up operation ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco, naaresto ang suspek subalit hindi na nabawi sa kanya ang salapi habang tinutugis pa ang kanyang kasabwat.

