Magsino2

Magsino ikinababahala kalagayan ng 17,500 OFWs sa Lebanon

Mar Rodriguez Aug 19, 2024
50 Views

MagsinoMagsino1𝗜𝗞𝗜𝗡𝗔𝗕𝗔𝗕𝗔𝗛𝗔𝗟𝗔 𝗻𝗶 𝗢𝗙𝗪 𝗣𝗮𝗿𝘁𝘆 𝗟𝗶𝘀𝘁 𝗖𝗼𝗻𝗴. 𝗠𝗮𝗿𝗶𝘀𝘀𝗮 “𝗗𝗲𝗹 𝗠𝗮𝗿” 𝗣. 𝗠𝗮𝗴𝘀𝗶𝗻𝗼 𝗮𝗻𝗴 𝗸𝗮𝗹𝗮𝗴𝗮𝘆𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝘁𝗶𝗻𝗮𝘁𝗮𝘆𝗮𝗻𝗴 𝗻𝗮𝘀𝗮 𝟭𝟳,𝟱𝟬𝟬 𝗢𝘃𝗲𝗿𝘀𝗲𝗮𝘀 𝗙𝗶𝗹𝗶𝗽𝗶𝗻𝗼 𝗪𝗼𝗿𝗸𝗲𝗿𝘀 (𝗢𝗙𝗪𝘀) 𝘀𝗮 𝗟𝗲𝗯𝗮𝗻𝗼𝗻 𝗻𝗮 𝗽𝗶𝗻𝗮𝗻𝗴𝗮𝗻𝗴𝗮𝗺𝗯𝗮𝗵𝗮𝗻𝗴 𝗺𝗮𝗮𝗮𝗽𝗲𝗸𝘁𝘂𝗵𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗹𝘂𝗺𝘂𝗹𝘂𝗯𝗵𝗮𝗻𝗴 𝘁𝗲𝗻𝘀𝗶𝘆𝗼𝗻 𝘀𝗮 𝗻𝗮𝘀𝗮𝗯𝗶𝗻𝗴 𝗯𝗮𝗻𝘀𝗮.

Dahil dito, nananawagan ni Magsino sa libo-libong OFWs na naghahanap-buhay sa Lebanon na kung hindi naman nila kinakailangang manatili sa kanilang lugar ay mas makabubuting lumikas na sila at agad na makipag-ugnayan sa mga opisyal ng Philippine Embassy sa naturang bansa.

Ayon kay Magsino, sa kasalukuyan ay masyado umanong napakasalimuot ang sitwasyon ng seguridad sa Lebanon at posibleng mas lalo pang sumidhi ang tensiyon doon sa mga darating na araw bunsod ng naganap na pagpatay kay Ismail Haniyeh, ang tumatayong lider ng grupong Hamas sa Tehran.

Sabi pa ng OFW Party List Lady solon na ang ginawang pag-atake ng bansang Israel sa Beirut na ikinamatay ng mataas na komandante ng Hezbollah (isang grupong armado ng Lebanon) na si Fuad Shukr ang lalo pang nagpadagdag sa tumitinding tensiyon sa Lebanon.

Ipinahayag din ni Magsino na inabisuhan na rin ng Philippine Embassy sa Lebanon ang mga OFWs na makabubuting lumikas muna sila sa mga karatig lugar sa labas ng Beirut, South Lebanon at Bekaa Valley upang huwag silang maipit sa lumalalang kaguluhan o kaya naman ay maging “casualty of war”.

” Napakahirap ng sitwasyon ng ating mga OFWs at Overseas Filipinos (OFs) na naiipit sa gulo sa rehiyong ito. Ang pagkakadawit sa mga geo-political tensions ay hamon ng ating labor migration.

Nais lamang ng ating OFWs na magtrabaho at mamuhay ng mapayapa. Subalit nadadamay sila sa mga sigalot na bumabalot sa kanilang host countries,” sabi ni Magsino.

Kasabay nito, nanawagan si Magsino sa Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Adninistration (OWWA) na maglunsad ng agarang reintegration program para sa mga OFWs na magbabalik sa Pilipinas.