DMW

DMW tiniyak tuloy na tulong sa 7 PH seafarers na sugatan sa drone attack

Jun I Legaspi May 7, 2026
23 Views

TINIYAK ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo J. Cacdac Huwebes ang patuloy na proteksyon at tulong para sa pitong Pilipinong seafarers na sakay ng container ship San Antonio matapos ang iniulat na drone attack sa Strait of Hormuz noong Martes, 05 Mayo 2026.

Ayon kay Secretary Cacdac, ligtas ang lahat ng pitong Pilipinong tripulante at kasalukuyang sumasailalim sa gamutan sa ospital. Apat sa kanila ang nagtamo ng minor injuries, habang tatlo naman ang nasa ilalim ng intensive care treatment.

Ang DMW, sa pamamagitan ng mga Migrant Workers Offices, ay nakikipag-ugnayan sa mga ospital upang masubaybayan ang kalagayan ng mga nasugatang marino at matiyak na sila ay nakatatanggap ng tamang lunas at pangangalaga.

Muling iginiit ng DMW ang pangako nitong pangangalaga at proteksyon sa mga Pilipinong marino na apektado ng mga insidente sa pandaigdigang maritime security. Kasabay nito, tiniyak ng ahensya na patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ang sitwasyon at nagbibigay ng kinakailangang tulong sa mga seafarers at kanilang pamilya, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.