OFW

DMW: 9K-plus OFWs, 17.5K-plus OFWs natulungan ng govt

Jun I Legaspi May 7, 2026
26 Views

UMABOT na sa 9,038 overseas Filipino workers (OFWs) ang napauwi ng pamahalaan mula sa Gitnang Silangan mula nang simulan ang repatriation efforts noong Marso 5.

Nasa 17,517 OFWs na rin ang nabigyan ng financial assistance mula sa DMW AKSYON Fund, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Sa bilang, 9,822 OFWs ang nakatanggap ng financial assistance kasabay ng kanilang repatriation process at 7,695 ang nabigyan ng onsite financial assistance.

Kabilang sa suportang ipinagkakaloob ng pamahalaan ang $200 assistance para sa mga OFWs na apektado ng umiiral na krisis at naghahanda nang umuwi ng bansa.

Tumatanggap din ang mga repatriated OFWs ng karagdagang ayuda mula sa DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Ayon sa DMW, magpapatuloy ang repatriation efforts at pagbibigay ng kinakailangang suporta upang matiyak ang ligtas at maayos na pag-uwi ng mga apektadong OFWs, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Pinalalakas ng pamahalaan ang reintegration support sa pamamagitan ng National Reintegration Network upang matulungan ang mga OFW at kanilang pamilya na makapagsimulang muli at magkaroon ng mas matatag na kabuhayan sa pagbabalik sa bansa.