Martilyo

Malls binalaang higpitan seguridad ngayong ‘ber’ months

Edd Reyes Oct 7, 2026
99 Views

PINAALALAHANAN ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge P/BGen. Christopher Abrahano Abrahano ang lahat ng mall security personnel at security management na higpitan ang inspeksyon at manatiling alerto ngayong panahon ng “Ber Months.”

Ayon kay PBGen. Abrahano, normal na dumadagsa ang mga tao sa mga mall at establisimyento dahil sa mga aktibidad at paghahanda sa nalalapit na Kapaskuhan na maaaring samantalahin ng mga kriminal lalu na’t magiging abala rin ang mga security personnel.

Dahil dito, pinatitiyak ni Abrahano na paigtingin ang maayos na pagsasagawa ng inspeksyon sa mga entrance ng mall at suriing mabuti ang mga taong pumapasok, gayundin ang kanilang mga kagamitan.

Inihalimbawa ng opisyal ang mga insidenteng iniuugnay sa tinatawag na “Martilyo Gang,” kung saan maaaring gamitin ang martilyo o iba pang kagamitan bilang instrumento sa paggawa ng krimen.

Payo n’ya sa mall security, maging mas mapagmatyag, lalo na sa mga hardware section at mga tindahang nagbebenta ng mga kagamitang maaaring abusuhin o gamitin sa krimen.

“Security starts with vigilance. Stay alert at every entrance and throughout every establishment to help protect the public and prevent criminal activities.” dagdag pa ni BGen. Abrahano.

Inatasan din ng heneral ang mga security commander na direktang makipag-ugnayan at makipag-coordinate sa mall security management upang mapalakas ang information sharing, monitoring, at iba pang nararapat na security measures.