Edd Reyes

Manghihinayang ka ba sa P25 taya sa lotto kung palarin kang maging instant milyonaryo?

Edd Reyes Feb 11, 2026
172 Views

PUMATOK pala sa publiko ang ipinatupad na mataas na minimum jackpot prize sa Lotto ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil tumaas agad ng 38.3% ang benta nila sa loob lang ng isang linggo nang ipatupad sa unang araw ng Pebrero.

Umabot kasi ng ₱413,827,025.00, ang benta nila nitong Pebrero 1 hanggang pito mula sa dating ₱299,172,920.00 sa parehong panahon ng taong 2025 na nangangahulugan lang na nagkaroon ng interes ang publiko sa lotto mula nang itaas ang premyo.

Sabi ni General Manager Melquiades Robles, kapag mataas ang benta ng PCSO, mas malaki ang maipagkakaloob nilang pondo sa pamahalaan para matustusan ang mga programang pangkalusugan, medikal, at iba pa na ang makikinabang ay ang mamamayan sa buong kapuluan.

Sa ilalim ng bagong istraktura sa pamimigay ng premyo, ang pinakamababang jackpot prize para sa Lotto 6/42 ay itatakda ng P10 milyon, P15 milyon naman sa Mega Lotto 6/45 sa Super Lotto 6/49 ay P25 milyon, sa Grand Lotto 6/55 sa P45 milyon at sa Ultra Lotto 6/58 ay P75 milyon.

Kapag ganito kalaki kaagad ang pinamakamababang premyo, tiyak na magkakainteres ang publiko kahit pa nga itinaas ng P5 ang bayad kada taya dahil kahit hindi ka tumama, maiisip mo naman na nakapag-ambag ka ng halagang pantulong sa higit na nangangailangan.

Manghihinayang ka nga ba naman sa P25 kung ang magiging kapalit nito ay ang pagiging instant milyonaryo? Yun naman ay kung susuwertehin ka.

Sabi nga ni Manuel Uy, ang bantog na ahente ng PCSO sa Sta Cruz, Manila na may pinakamarami raw na tiket na naipanalo noong dekada 60, “Ang umaayaw ay hindi nagwawagi at ang nagwawagi ay hindi umaayaw.”

Mga opisyal ng China, tuwang-tuwa sa bangayan ng mga pulitiko sa bansa

HUMAHAGIKGIK siguro sa ngayon sa katatawa ang mga opisyal ng bansang China sa nangyayaring bangayan ngayon mga pulitiko sa ating bansa hinggil sa isyu ng Kalayaan Island Group (KIG) sa West Philippine Sea.

Eh kasi naman, hindi lang karamihan ng mga senador ang hindi sang-ayon sa sinabi ni Senator Rodante Marcoleta na “I-give up” na lang daw ang KIG dahil wala naman daw ito sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas, kundi maging ang mga legal luminaries, mga eksperto sa maritime affairs at higit sa lahat, mga netizens.

Yun nga lang, kalaunan ay sinabi ni Marcoleta na wala daw siyang sinasabing i-give up na lang ang KIG at na-misinterpret lang daw siya, kasabay ng paggiit na nasa teritoryo aniya ito ng ating bansa kaya pag-aari ito ng Pilipinas. Yun ay kahit paulit-ulit na nire-eplay sa iba’t ibang programa sa radio at television ang binitiwan niyang salita.

Binawi ito ni Marcoleta matapos ang katakot-takot na batikos ang inabot niya, pati na ang kanyang anak na si Sagip Partylist Rep. Paolo Henry, hindi lang sa mga netizens, kundi sa mga kilalang personalidad na nakasubaybay sa usaping Pambansa.

Idinamay na ng mga netizens sa ngitngit ang anak ng senador dahil sa kanyang pahayag na ibala daw sa kanyon si Philippine Coast Guard Spokesperson Commodore Jay Tarriela at mga Senador na bumatikos sa ama kapag nilusob ng China ang Pilipinas.

Sa ngayon, hindi lang ang mag-amang Marcoleta ang nakakatikim ng maa-anghang na komento mula sa mga netizens kundi pati na ang iba pang senador sa minoriya na halata raw may pagkiling din sa China na binansagan pa ngang mga Tsinador.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com