Calendar
Mahihirapan ng magpalusot!
MAPAGPALANG araw sa lahat ng ating mambabasa, lalo na sa mga kababayan natin sa Japan, Oman, at Saudi Arabia.
Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.
Binabati natin sina Ma. Theresa Yasuki, Patricia Coronel, Winger dela Cruz, Glenn Raganas, Mama Aki ng Ihawan, Endo Yumi, La Dy Pinky, Roana San Jose, Josie Gelo,Yoshiko Katsumata, Hiroki Hayashi, at Hiroshi Katsumata.
Binabati rin natin si Joann de Guzman at mga kasama niya sa Oman; Dolores Monfero, Tino Belen, Delia Sunga ng Saudi Arabia.
God bless!
Sa tingin natin alam na ng mga ismagler na mahihirapan na silang magpalusot ng mga kontrabando, lalo na ang mga ipinagbabawal na gamot, sa mga ports of entry sa bansa.
Kaya kung minsan nga ay ina-abando na lang nila ang kanilang importasyon dahil siguradong bagsak sa kulungan kung sino ang magke-claim sa shipment.
Paano nga namang makalulusot sa ports of entry ang mga shipment na may lamang kontrabando eh nandiyan ang mga highly-trained personnel ng Bureau of Customs (BOC).
Sanay na silang kumilatis kung may “palaman” ang shipment.
Nandiyan pa ang mga state-of-the-art na X-ray scanning machines ng X-ray Inspection Project (XIP) at drug snipping dogs na mas kilala sa pangalang K9.
Meron din namang mga shipment na bago pa makarating sa bansa ay nakatatanggap na ng derogatory information ang BOC mula sa sources na nasa labas ng bansa.
Noon ngang Pebrero 9 ay isang abandonadong shipment sa Manila International Container Port (MICP) na idinaan sa 100 percent na physical examination ay naglalaman ng shabu.
Galing ng Afghanistan, ang abandoned shipment ay dumating sa MICP noon pang December 31, 2025 at naglalaman ng shabu na nagkakahalaga ng P278 milyon.
Dahil walang nai-file na “goods declaration within the prescribed 15-day reglementary period, ang shipment ayon sa manifesto ay naglalaman daw ng “marble.”
Pagkatanggap ng derogatory information, ayon sa record, ang BOC at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay nagsagawa ng close monitoring sa parating na shipment.
Ito ay sa pamamagitan ng Customs Anti-Illegal Drugs Task Force, Enforcement Group-Enforcement and Security Services (EG-ESS) at Intelligence Group-CIIS in coordination with PDEA.
Ang close coordination ng concerned government agencies ay malaking tulong para ma-address ang patuloy na pagdating ng mga ipinagbabawal na gamot sa bansa.
Ang paglaban sa “drug monster” ay isa sa mga pangunahing programa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos na todo suporta ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno.
Pero panahon na para malaman kung sino ang mga kasapakat sa BOC ng mga nagpaparating na iligal na droga.
Nakapagtataka lang kasi kung bakit tuloy pa rin ang pagpaparating ng mga hayop na ismagler ng droga.
Tsk tsk tsk.
***
Mabuti naman at ibinasura ng House of Representatives ang dalawang impeachment complaints na inihain laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Tama lang na pinabayaan ng Malalakanyang na dumaan sa tamang proseso ang dalawang impeachment raps sa Kamara de Representante.
Sa tingin natin ay hindi nahirapan ang mga kongresista na desisyunan ang mga nasabing kaso dahil talaga namang walang basehan ang mga ito.
Pero ibang usapan naman ang mga inihahaing impeachment raps laban kay Vice President Sara Z. Duterte.
Sa dami ng mga ebidensiya laban kay VP Duterte ay nasisiguro nating mai-impeach sa House of Representatives ang anak ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte.
Kung hindi nga lang sa desisyon ng Korte Suprema ay natuloy na noong nakaraang taon ang trial ni VP Duterte sa Senado.
Pabayaan na lang natin na gawin ng Kongreso ang kanilang trabaho bilang pagsunod sa ating 1987 Constitution.
Nandiyan naman ang mga taga-suporta ng Bise Presidente sa Mababang Kapulungan at Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
At siguradong ide-depensa siya ng kanyang mga de-kampanilyang mga abogado.
(Para sa inyong komento at pagbati, mag-text sa +63 9178624484/email:philipreyes08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

