Calendar
Manila City Council nagkaisa sa paghahanda sa Super El Niño.
NAGPASA ng resolusyon ang 13th City Council ng Maynila na pinamumunuan ni Vice Mayor Chi Atienza na nakatuon sa maagang paghahanda sa inaasahang hagupit ng Super El Niño.
Sinangayunan ng mayorya ng konseho ang inakdang Resolution No. 10196 ni Majority Floor Leader Raymundo “Mon” Yupangco na nag-aatas sa lahat ng ahensiya ng lungsod na paigtingin ang pagpapakalat ng impormasyon at paghahanda sa kalamidad at sakuna sa bawat barangay.
Ayon kay Yupangco, hindi lamang sa pagresponde sa kalamidad nakatuon ang resolusyon kundi mas mahalaga ang pag-iwas, paghahanda, at proteksiyon sa buhay ng bawat mamamayan.
Binanggit naman ni Councilor Jaybee Hizon ang posibleng epekto sa ekonomiya ng Super El Niño partikular sa pagtaas sa presyo ng lahat ng bilihin at kahirapan sa supply ng tubig at pagkain.
Nagbahagi naman ng praktikal na payo sa mga residente ang ilang mga konsehal, kabilang sina Councilors Elmer “Joel” Par, Pamela “Fa” Fugoso-Pascual, at Jefferson Lau, na ngayon pa lang ay magtipid na sa paggamit ng tubig, mag-ipon kung sakaling bumuhos ang ulan, at iwasan ang pag-aaksaya, lalu na sa paggamit ng fire truck para lamang maglinis ng basketball court at magpuno ng portable swimming pool sa kalsada.
Nagkaisa rin ang konseho sa panawagan ng buong kooperasyon ng publiko sa maagang paghahanda, na ayon kay Councilor Marh Anthony Ignacio, ay hindi lamang naka-atang sa lokal na pamahalaan kundi responsibilidad ito ng lahat.
Bago naman matapos ang talakayan, ibinahagi ni VM Atienza ang ulat ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office (MCDRRMO) kung saan siya ang kumatawan kay Mayor Isko Moreno, hinggil sa inaasahang Super El Niño na aniya ay kahalintulad ng epekto ng El Niño noong 1877 na pinakamalala sa buong mundo.

