Calendar
Maraming nag-aabang sa testimonya ni Trillanes
MALIGAYANG araw sa ating mga tagasubaybay, lalo na sa mga kababayan natin sa Japan.
Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.
Binabati natin sina Ma. Theresa Yasuki, Winger dela Cruz, Yoshiko Katsumata, Josie Gelo, Hiroki Hayashi, Mama Aki ng Ihawan, Glenn Raganas, Patricia Coronel, La Dy Pinky, Endo Yumi, Roana San Jose, at Hiroshi Katsumata.
Ganun din kina Joann de Guzman at mga kasama niya sa Oman; Nida Reyes, Dolores Monfero at Delia Sunga ng Saudi Arabia.
God bless sa inyong lahat!
***
Ang mga reporma at pagbabagong ipinapatupad ng Department of Finance (DOF) at Bureau of Customs sa aduana (BOC) ay suportado ng mga dayuhang nagne-negosyo sa Pilipinas.
Sa isang kalatas, pinuri ng European Chamber of Commerce of the Philippines (ECCP) ang pagpapalawig ng DOF-BOC sa validity period ng importer accreditation.
Dati, taon-taon ang renewal ng importer accreditation. Ngayon, tatlong taon na ang validity nito.
Sa pahayag na pinalabas ng ECCP noon Abril 15 ay sinabi nito na ang desisyon “enhances trade facilitation and strengthens the country’s investment climate.”
Dagdag pa ng ECCP: “The reform contributes to a more transparent, efficient and competitive trade environment consistent with national objectives for sustainable economic development.”
Ang pagpapalawig sa validity ng importer accreditation ay bahagi sa programa ng gobyerno para i-promote ang tinatawag na “ease of doing business and regulatory rationalization.”
Sa totoo lang malaking bagay ito para matigil na ang masamang gawain ng ilang taga-BOC.
Dati rati kasi ay ginagawa pang “gatasan” ng mga tiwaling opisyal at kawani ng BOC ang renewal ng accreditation.
Sinabi naman ni Commissioner Nepomuceno na mahalaga sa BOC ang “stakeholder feedback” na kagaya ng pahayag ng ECCP.
Ayon kay Nepomuceno, ang ECCP feedback ay isang mahalagang “input.”
Sinabi pa niyang patuloy ang ginagawa ng BOC na pagpapaganda sa mga proseso dahil hangad ng ahensya na mapanatili ang “business-friendly customs environment.”
***
Isa pang hakbang ang ginawa ng Bureau of Customs (BOC) na ikinagalak pa ng mga nagnenegosyo sa dating snake-infested na aduana.
Ito ang direktiba ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno na aksyonan kaagad ng Import Assessment Service (IAS) ang lahat ng assessment requests.
Kailangang maaksyunan ng IAS ang assessment request sa loob ng tatlong working days pagkatapos na maisumite ang lahat ng documentary requirements.
Dati ang processing period ay limang working days, ayon sa BOC.
Para mapabilis ang aksyon, ni-reduce din ng IAS ang bilang ng signatories para mailabas ang clearance mula apat hanggang tatlo na lang.
Ito ay naaayon sa guidelines na inisyu ng Anti-Red Tape Authority (ARTA).
Inaasahang marami pang mga pagbabago ang ipatutupad sa aduana para mapabilis ang mga transaksyon sa lahat ng ports of entry sa bansa.
Hindi na puwede ang mabagal na kilos ng mga opisyal at kawani ng BOC dahil nakabantay ang publiko sa mga nangyayari sa mga opisina ng gobyerno.
Lalo na sa mga opisinang kagaya ng BOC at Bureau of Internal Revenue (BIR) na parehong nasa ilalim ng Department of Finance (DOF).
***
Dahil sa hindi pagdalo ni VP Sara Duterte sa Kamara de Representantes, hindi niya nasagot ang mga ipinukol na akusasyon laban sa kanya.
Kagaya na lang ng mahabang affidavit ni Ramil Madriaga na binasa ng buong-buo sa harapan ng mga kongresista.
Sa Abril 24 naman ay si dating Senador Sonny Trillanes ang nakatakdang humarap sa mga kongresista.
Sa tingin natin, marami ang nag-aabang sa testimonya ni Trillanes dahil ang pag-uusapan ay ang mga bank accounts umano nina VP Sara at dating presidente Rody Duterte.
(Para sa komento at pagbati, mag text sa +63 9168624484).
