Rodriguez

Marcos admin isusulong pagsasanay ng barangay officials

215 Views

ITUTULAK ng administrasyon ni incoming President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang pagbibigay ng capacity-building training sa mga opisyal ng barangay upang kanilang mahusay na magamit ang pondo na inilalaan sa kanila ng gobyerno.

Ayon kay Atty. Vic D. Rodriguez, incoming Executive Secretary, lalaki ang pondo na ibibigay ng gobyerno sa mga barangay sa pagpapatupad ng Mandanas-Garcia ruling ng Korte Suprema kaya mas mapaghuhusayan ng mga ito ang kanilang pamamahala.

Naalala ni Rodriguez noong panahon kung kailan siya ay barangay kagawad at maraming barangay hall ang walang pambayad ng kuryente.

“And I think ngayon sobra-sobra na ang inyong pondo, sobra-sobra na pati ‘yung pagdi- deliver ng basic services. And it is indeed true – nag-evolve na rin ang mga barangays…Napakaganda ng evolution ng barangay governance… Magkakaroon pa kayo ng dagdag na pondo dahil sa Mandanas-Garcia ruling,” sabi ni Rodriguez.

Ayon kay Rodriguez hindi lahat ng barangay ay kasing suwerte ng mga nasa Quezon City na nabibigyan ng mga training dahil may kakayanang pinansyal ang mga ito.

Sa mga lugar na walang kakayanan na gastusin ang pagsasanay ng mga opisyal ng barangay, sinabi ni Rodriguez na ang tutulong sa kanila ay ang Department of the Interior and Local Government (DILG) partikular si Secretary-designate Benhur Abalos at incoming Undersecretary Felicito ‘Chito’ Valmocina.

“With Usec. Chito, magkakaroon kayo ng training, capacity-building on how to better use those funds that will be coming your respective barangays and respective jurisdictions,” sabi ni Rodriguez.

Sa ilalim ng Mandanas-Garcia ay madaragdagan ang bahagi ng pondo na napupunta sa mga lokal na pamahalaan mula sa koleksyon sa buwis ng national government.