Isko

Maynila handa na sa Undas

Edd Reyes Oct 27, 2025
362 Views

Isko1HANDA na ang lahat ng sistemang ipatutupad ng Lokal na Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa mga sementeryo sa lungsod para sa nalalapit na paggunita ng Undas.

Inatasan na ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang lahat ng mga pangunahing kagawaran na tiyakin ang kanilang presensiya sa Manila North, South, at Islamic Cemeteries sa buong panahon ng Undas.

Sa pulong na ipinatawag ni Mayor Isko Moreno Lunes ng umaga, inatasan niya ang lahat ng kawani sa pangunahing kagawaran na huwag iwanan ang itinalaga sa kanilang lugar dahil kailangan ang kanilang tulong sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan ng lahat ng magtutungo sa mga Kampo Santo.

Mariin niyang ipinaalala na bawal ang pagtitinda sa loob ng mga sementeryo maliban sa mga nabigyan ng permiso sa mga piling lugar sa labas ng gate upang maiwasan ang pagsisiksikan ng tao at mapanatili ang serysong paggunita sa namayapang mahal sa buhay.

Inatasan ng alkalde ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) na pinamumunuan ni Director Jay Dela Fuente na tulungan ang mga magulang o guardians ng mga batang maiuulat na nawawala.

Magtatalaga ng mga social workers sa information desk at command post upang matulungan nila ang mga nawawala na makapiling muli ang kanilang pamilya at magbigay ng suporta sa mga senior citizen at persons with disabilities na bibisita sa puntod ng kanilang namayapa,

Nais din ni Mayor Isko Moreno na magkaroon ng koordinasyon sa buong maghapon at magdamag ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD), Department of Public Services (DPS), at Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, kalinisan, at maayos na daloy ng trapiko.