Tahong

Mayor ipinatigil pagtatanim ng tahong sa Abucay

Christian Supnad Jan 12, 2026
294 Views

ABUCAY, Bataan — Pinatitigil muna ang pagtatanim ng tahong sa dagat sakop ng bayang ito upang ayusin ang pamamalakaya sa Abril, ayon kay Mayor Erik Martel.

“Pinatitigil muna natin ang pagtatanim ng tahong sa karagatang ng Abucay hanggang Marso.

Then, sa Abril ay papayagan ulit natin pero titiyakin na natin na ang mga lehitimong taga Abucay na lamang ang mga papayagang magtanim,” sabi ni Mayor Martel.

Ang hakbang ni Mayor Martel ay kasunod ng mga balitang maraming hindi taga-Abucay ang nagtatanim ng tahong sa malawak na karagatan ng Abucay.

Pinaliwanag pa ni Mayor Martel na aayusin na nila ang pagtatanim ng mga tahong para hindi makasagabal sa mga ibang magdaragat.

“Magkakaroon na ng listahan ang lahat ng mga nagtatahong para malaman natin kung taga saan sila at igo goggle na rin natin (ang area) at upang maiayos din ang mga lugar na dapat lang tamnan ng tahong,” ani Mayor Martel.

Ang Abucay ay isa mga kinikilalang supplier ng tahong sa Manila, gitna at Hilagang Luzon dahil sa malawak na karagatan nito.

Daan daang pamilya ang nakikinabang at nabubuhay sa pagtatanim ng tahong.

Pinasalamatan ng mga mangingisda si Mayor Martel sa pagmamalasakit sa kanila at sinabing nauunawaan ni mayor Martel ang kanilang kalagayan.