Sara Duterte

Mayor Sara hinamon mga babae na manindigan laban sa gender bias

416 Views

HINAMON ni vice presidential candidate Sara Duterte ang mga kababaihan na manindigan laban sa gender bias at ipakita na hindi basehan ang kasarian at edad.

Ayon kay Duterte ang mahalaga ay ipakita ang nasa isip at nasa puso at hindi ibatay ang pagtingin sa isang tao sa kanyang kasarian at edad.

“’Yan ang mahalaga — you as a person, and not you because of your gender,” sabi ni Duterte sa kanyang pakikipag-usap sa iba’t ibang sektor na nagtipon-tipon sa Marymount Academy Gym, BF Homes, sa lungsod ng Parañaque noong Sabado.

Si Duterte ang nagiisang babaeng kandidato sa pagkabise presidente sa nalalapit na halalan.

“As women, you should not let other people define you because of your gender, dahil sa inyong paniniwala, dahil sa inyong edad,” dagdag pa ni Duterte.

Inamin ni Duterte na naging hamon din sa kanya na patunayan ang sarili nang pumasok sa pulitika na dominante ng mga lalaki.

Dahil babae at bata pa, madalas umano ay hindi pinakikinggan ang kanyang mensaheng nais ipaabot pero hindi umano ito naging balakid para magampanan ang kanyang trabaho bilang alkalde ng Davao.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno, tiniyak ni Duterte na maipatutupad sa Davao City ang Women‘s Development Code na naglalayong kilalanin ang karapatan at igalang ang paniniwala ng mga babae.